Typhoid fever at measles cases, tumataas – PHAPI
ni Lolet Abania | August 1, 2022

Bukod sa naitalang pagtaas ng bilang ng COVID-19 infections, tumataas din ang mga kaso ng typhoid fever at measles cases, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) ngayong Lunes.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano na ang mga sakit at iba pang viral infections ay karaniwang tumataas sa panahon ng ikatlong quarter ng taon.
“Kasi nandito tayo sa third quarter na tinatawag natin. Usually, sa mga hospitals itong third quarter diyan tumataas ang mga sakit at mga viral infections,” ani Grano.
“Katulad ngayon tumataas ang dengue, minsan typhoid fever, measles, at trangkaso nagkasabay-sabay po iyon,” dagdag niya.
Payo ni De Grano sa publiko, patuloy na sumunod sa itinatakdang minimum health protocols upang maiwasan na tamaan ng anumang sakit.
Sa kabila naman ng pagtaas ng mga COVID-19 cases, ayon kay De Grano karamihan sa mga infections ay mild at moderate.
“Sa ngayon, makikita nating hindi naman ganoon katas ang healthcare utilization rate,” saad ni De Grano.
Samantala, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research, limang probinsiya sa Visayas at Mindanao ang nakapag-record ng above 20% o “very high” COVID-19 positivity rates nitong nakalipas na linggo.
Sa isang tweet, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Aklan, Antique, Bohol, Capiz, at Negros Oriental ay nakapagtala lahat ng mahigit sa 20% one-week positivity rates simula Hulyo 23 hanggang Hulyo 30.
Ang positivity rate ay percentage ng mga tao na nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng indibidwal na na-test.
Nakapagtala ang Capiz ng pinakamataas na positivity rate sa Vis-Min regions nitong Sabado na may 51.2%, malaking pag-akyat ito mula sa 30.6% noong Hulyo 23.
Kasunod ang Aklan na may 36.9% positivity rate, Antique na may 28.7%, Bohol na 28.2%, at Negros Oriental na 27.6%.





Comments