Tutulong sa mga biktima ng lindol… 2 sundalo patay sa ‘ambush’ sa Abra — Military
- BULGAR
- Oct 27, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 27, 2022

Patay ang dalawang sundalo matapos ang isinagawang ambush umano ng hinihinalang mga rebeldeng komunista sa Malibcong, Abra ngayong Huwebes, batay sa 5th Infantry Division (5ID).
Sa isang statement, ayon sa militar ang mga tropa ng 24th Infantry Battalion (24IB) ay naghahanda para tulungan ang mga biktima ng 6.4 magnitude na lindol sa naturang probinsiya nang atakehin umano sila ng mga rebelde.
“It is very unfortunate that while we are helping the residents devastated by the earthquake, two of our troops were killed and one is wounded because of the atrocities of the CTGs while the other one was still missing,” pahayag ni 24IB commander Lieutenant Ricardo Garcia III.
Ayon kay Garcia, ang mga sundalo ay ipinatawag para tugunan ang isinasagawang disaster response operation sa Abra.
Hindi naman binanggit ng militar ang mga pangalan ng mga nasawi, subalit nagpahayag sila ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima habang nangako naman sa mga ito na kanilang huhulihin ang mga salarin.
“We condemn in the strongest terms possible, the barbaric act of the CTG. We assure our people particularly the families of our soldiers that we will pursue the perpetrators and bring them to justice,” saad ni Garcia.





Comments