top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tutukan ang unang SONA ni P-BBM

BULGAR
Jul 25, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 25, 2022


Ngayon ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bong Marcos, Jr. (P-BBM) na inaasahang panonoorin ng marami nating kababayan na sabik na sabik na kung ano ang kanyang mga ipahahayag para sa kapakanan ng bansa.


Itong isang buong linggong nagdaan ay laman ng balita ang iba’t ibang pahayag ng mga Senador, Kongresista at marami pa nating kababayan hinggil sa kanilang inaasahan kung ano ang magiging pahayag ni P-BBM.


Hindi sa pinangungunahan nila kung ano ang dapat sabihin ng Pangulo, ngunit bilang Pilipino ay napakataas ng inaasahan natin sa panunungkulan ni P-BBM at napakataas ng ating pag-asa na bagama’t nasa gitna pa rin tayo ng pandemya ay bubuti ang sitwasyon ng bansa.


Lalo pa’t napakataas ng pangamba hinggil sa umano’y paparating na krisis sa pagkain sa bansa na inaasahang mararamdaman sa huling bahagi ng kasalukuyang taon ayon naman sa pahayag ng dating Agriculture Secretary kaya pansamantala ay hindi niya muna ipauubaya ang tanggapan ng Department of Agriculture (DA) at siya mismo ang mamamahala.


Hinihintay din ng marami ang magiging tugon ni P-BBM kung paano itatawid ang bansa sa gitna ng umiinit pang labanan ng Ukraine at Russia na nagdudulot na ng hindi maawat na pagtaas ng petrolyo at maraming bilihin pa sa bansa.


Umaasa tayong mababanggit din sa SONA ni P-BBM ang plano para sa patuloy na pagpapalakas ng infrastructure spending ng gobyerno na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang na ang para sa health, education facilities, traffic at flood mitigation projects.


Ilan lang ‘yan sa napakaraming isyu at problema ng bansa ang nais marinig ng ating mga kababayan at kung saan tayo patungo na ngayong araw ay ilalahad na ni P-BBM.


Nasa 1, 360 ang inaasahang dadadalo sa naturang okasyon na gaganapin sa Plenary Session Hall ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City na ilang linggo ring isinailalim sa pagsasaayos para sa isasagawang SONA ngayong araw.


Kumpirmadong dadalo ngayong araw si dating President at Speaker na ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, dating Pangulong Joseph Estrada, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice-President Sara Duterte.


Kabilang sa mga inaasahang dadalo ngayong araw ay ang mga kaanib ng diplomatic corps at justices sa bansa maging ang lahat ng gobernador sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay imbitado sa napakahalagang pagtitipon.


Samantala, kinumpirma ni P-BBM na nais niya ng napakasimpleng SONA lamang, walang paliguy-ligoy, direkta at bigyang-halaga ang pagiging tradisyunal at wala umanong glamor.


Maging ang itinalagang SONA performers ay choir group mula sa Ilocos na silang aawit ng national anthem at ang kabuuan ng programa ay pamamahalaan ni film director Paul Soriano na inaasahang magiging simple ngunit elegante.


Matindi ang ginagawang paghahanda para sa isasagawang SONA mamaya dahil ang buong Plenary Hall ay binalot ng makabagong teknolohiya, kabilang ang audio at video broadcast equipment na may remote cameras.


Dinagdagan din ng mga bagong upuan at lamesa ang buong session hall na may aesthetic designed wood panels at mas maayos na lighting fixtures upang higit na mas kaaya-aya sa paningin ng mga dadalong imbitado.


Lumalabas na ang Plenary Hall ay okupado na ng 367 upuan para sa mga mambabatas at 1, 357 naman ang gallery seats at dahil sa may kumpirmasyon ang lahat ng dadalo ay inaasahang magiging maayos na mairaraos ang nabanggit na SONA.


Nagbuo naman ng task force ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang ibang tututukan kung hindi ang kabuuan ng kaligtasan ng buong lugar kung saan gaganapin ang SONA ni P-BBM.


Aabot sa kabuuang 15,000 ang karagdagang puwersa pa mula sa PNP, AFP at iba pang puwersa ng pamahalaan upang tiyaking iiral ang katahimikan at kaligtasan ng lahat ng dadalo sa naturang pagtitipon sa kabila ng bantang protesta na ilulunsad umano ng mga anti-Marcos.


Nagtalaga naman ng mga lugar kung saan puwedeng magdaos ng programa ang mga anti-Marcos, tulad ng freedom park upang hindi magkasalubong ang mga raleyista at kaanib ng PNP at maiwasan ang komprontasyon.


Nasubukan na ang ganitong sistema noong inagurasyon ni P-BBM sa National Museum sa Manila noong Hunyo 30 na naging mapayapa ang lahat dahil sa sumunod sa maykapangyarihan ang mga raliyista at hindi tinangkang mang-agaw ng atensyon.


Kasama nating makikinig sa SONA ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, driver, tindero at iba pang nagsisikhay sa buhay na umaasang makaririnig ng gabay kung paano tayo sama-sama susulong tungo sa pag-unlad. Naniniwala tayong may magandang polisiya at programa ang administrasyon para sa mga manggagawang Pilipino na malaki ang nagiging ambag sa ating ekonomiya.


Sabi nga ni P-BBM, “Ang pangarap n’yo ay pangarap ko”.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page