Turkey pasok sa q'finals, Netherlands pinag-empake
- BULGAR

- Sep 21
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 21, 2025

Photo : Nagtulungan sa mahigpit na depensa sina #1 Siebe Korenblek at #10 Tom Koops ng Netherlands kontra sa matinding pag-atake ng katunggaling si Murat Yenipazar ng Turkey sa kasagsagan ng kanilang aksyon sa round-of-16 ng FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa MOA Arena, Pasay City kahapon. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Linggo– MOA
3:30 PM Argentina vs. Italya
8:00 PM Belgium vs. Finland
Patuloy ang milagrong lakbay ng Turkiye sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippine 2025 kahapon sa MOA Arena. Naging unang nakapasok sa quarterfinals ang mga Turko matapos pauwiin ang The Netherlands sa apat na set – 27-29, 25-23, 25-16 at 25-19 – sa pambungad na laro ng Round of 16.
Ipinagpag ng Turkiye ang mabagal na simula at kinuha ang pagkakataon sa tila pagod na Dutch. Sumandal ang mga Dutch kay Michiel Ahyi at depensa ni Cornelis van Der Ent upang makuha ang unang set subalit ang Turkiye ang nagdikta ang agos mula roon.
Namayagpag si 6’11” Adis Lagumdzija na may 28 puntos mula sa 25 atake para sa mga Turko. Malaki rin ang ambag nina Ramazan Efe Mandiraci na may 15, Mirza Lagumdzija na may 13 at Bedirhan Bulbul na may 12.
Nagtapos si Ahyi na may 21 mula 20 atake. Tanging si Tom Koops ang may higit 10 na may 14.
Hihintayin na ng mga Turko ang mananalo sa pagitan ng Canada at numero uno sa FIVB Ranking Poland na tinatapos kagabi. Ang laro ay nakatakda sa Miyerkules.
Ito ang unang pagkakataon na nakapasok ang Turkiye sa quarterfinals. Bago nito, ika-11 ang pinakamataas nilang naabot noong huling edisyon noong 2022 na ginanap sa Poland at Slovenia.
Sisimulan ng Italya ang pormal na pagdepensa sa kanilang korona kontra Argentina. Maliban sa pag-ulit hahanapin nila ang ika-limang kampeonato na hinigitan ng anim ng nabuwag na Soviet Union.
Pumangalawa ang Italya sa Pool F kung saan dinaig nila ang Ukraine at Algeria pero nadapa sa Belgium. Malinis ang Argentina sa Pool C laban sa Finland, Pransiya at Timog Korea.
Sa tampok na laro, magsusubukan ang Belgium at Finland. Ang mananaig ang haharapin ang Italya o Argentina sa quarterfinals ngayong Miyerkules sa parehong palaruan.








Comments