TUPAD, dapat lang talupan
@Editorial | November 12, 2022
Kabilang ka ba sa TUPAD o “Tulong Panghanapbuhay sa mga Disadvantaged/Displaced Workers” ng Department of Labor and Employment (DOLE)?
Maayos bang naipatutupad ang programa o baka laganap din ang katiwalian?
May reklamo kasi na ginagamit ang TUPAD Program ng iilan para makasugapa sa pondo.
Kaya pinaiimbestigahan na ang napaulat na umano’y katiwalian ng ilang organisasyon.
Batay sa reklamo ng ilang senior citizen organizations, humihingi umano ng “membership fee” para makasama sa TUPAD Program.
Sa sandaling naging miyembro na ang senior bilang beneficiary ng programa, inoobliga raw silang magbigay ng kalahati ng halagang natanggap mula sa TUPAD.
Ang mas matindi, binabantaan pa umano ang mga senior na tatanggalin sa programa kapag hindi sumunod sa utos.
Malinaw na modus operandi at labag sa mandato ng TUPAD ang ganitong kalakaran.
Dapat itong mahinto, imbestigahan at panagutin ang mga nasa likod ng kawalanghiyaan.
Hindi na nga nakakatulong inaabuso pa ang kapwa. 'Yung halaga na pagtatrabahuhan ng mahihirap, pag-iinteresan pa, 'asan ang konsensya? Malamang ay inubos na ng pagiging gahaman.
Kaya panawagan sa kinauukulan, kung gusto nating maging kapaki-pakinabang ang programa ng gobyerno, bantayan natin ito mula sa mga abusado.



Comments