top of page

Tunay na nagtrabaho at sumasakay lang sa isyu ng Percy Lapid killing

  • BULGAR
  • Nov 9, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | November 9, 2022


INAASAHANG ibubunyag at kakasuhan ang mga suspected mastermind sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.


Halos lahat ng atensyon sa kriminalidad ay nakapokus ngayon sa Metro Manila.


Paano kaya sa mga liblib na lugar?


◘◘◘


NABABAHALA na ang mga residente sa Zamboanga del Sur dahil naman sa kasong pagpatay sa former municipal administrator na si Richard Butch Camanian Cabilan.


Binaril at napatay si Cabilan sa loob ng compound Department of Agriculture (DA) sa bayan ng Dumingag.


◘◘◘


IKALAWANG kaso ito ng pagpatay sa loob ng government compounds.


Eh, bakit?


◘◘◘


ANG unang pagpatay ay naganap sa loob ng Zamboanga del Sur provincial complex.


Hiniling na ng isang senador kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na bigyang-seguridad ang mga sibilyan sa malalayong lugar.


◘◘◘


SI Cabilan ay Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) sa Dumingag, kung saan dadalo sana sa miting sa Agriculture Training Center nang barilin ng dalawang suspek.


Sana ay maproteksyunan ng pulisya ang ordinaryong mamamayan sa Zamboanga.


◘◘◘


ANG ikalawang kaso ng pagpatay ay naganap noong Oktubre 18 sa provincial government complex sa Barangay Dao, Pagadian City.


Biktima ang 25-anyos na si Ronie Agan Naong, ng Betinan, San Miguel, Zamboanga del Sur.


◘◘◘


KAPURI-PURI ang aksyon at mabilis na reaksyon ng kapulisan sa Lapid Murder case ay marami ang nagsasabing sana ay ito rin ang maging larawan ng PNP sa buong bansa.


Kung tutuusin, napakahalagang papel ang ginampanan ng NCRPO police forces sa ikalulutas ng kaso ng brodkaster.


◘◘◘


MULA sa masinop na pagkuha ng malilinaw at kongretong ebidensya ng mga tauhan ni NCRPO chief Jonnel Estomo, partikular ang mga CCTV footages ay bumilis ang pagresolba ng kaso.


Sa alinmang kaso, ang pisikal na ebidensya ang tunay na makapagdidiin sa mga suspek at mastermind.


◘◘◘


KUNG mayroon pang dapat tumanggap ng pinakamalaking kredito sa ikalulutas ng Percy Lapid Murder case, ito ay ang buong puwersa ng NCRPO dahil sa mabilis at epektibo nilang pagkilos.


May malaking papel din ang NBI at DOJ, pero sila ay nakatutok sa maseselang pagsisiyasat at sa prosekusyong nakabatay sa maagang pagkakuha ng mga ebidensya.


◘◘◘


IPAGDASAL natin na kung gaano kaepektibo ang pagkilos ng pulisya sa Metro Manila, sana ay ito rin ang maganap sa buong bansa, lalo na sa mga liblib na pook.


'Yan ay siyang inaasahan ngayon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.


◘◘◘


INAASAHANG magbababad sa mainstream at social media ang ilang personalidad upang mag-agawan sa kredito.


Pero, madali namang matukoy kung sino talaga ang nagtatrabaho at sino ang sumasakay-sakay lamang sa isyu.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page