Tumatakbong kagawad, tiklo sa pekeng produkto

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 22, 2023

Nasakote ang isang 67-anyos na kandidato sa pagka-barangay kagawad sa Maynila matapos umanong magbenta ng pekeng food seasoning sa Calamba, Laguna, kahapon.
Inaresto ng Pandacan Police ang suspek matapos maglabas ng warrant of arrest si Judge Maria Florencia Baculo ng Calamba Regional Trial Court Branch 34 nu'ng Setyembre 12.
Ayon sa report ni Police Maj. Philip Ines, tagapagsalita ng Manila Police, nangangampanya ang babaeng kandidato sa Paco, Maynila nang arestuhin ito dahil sa paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines.
Kasalukuyang nakakulong ang kandidato sa Manila Police Station 10.
Gayunman, itinatanggi ng suspek na nagbebenta siya ng pekeng produkto.
Aniya binibili lang daw niya ito sa Divisoria at hindi niya alam na peke ang laman ng kanyang paninda.
Balak ng kandidato na magpiyansa sa Oktubre 23.





Comments