Search
  • BULGAR

Tumataas ang COVID-19 cases, AFC Cup 2020, nalusaw na

ni Anthony Servinio - @Sports | September 12, 2020




Nagpasya ang Asian Football Confederation (AFC) na huwag nang ituloy ang 2020 AFC Cup noong Huwebes ng hapon. Ang patuloy na pandemya at ang mga kakabit nitong mga suliranin ay sapat para tuluyang ipagpaliban ang taunang torneo na tinigil pa noong Marso.

Bago noon, nangunguna ang Ceres Negros ng Pilipinas sa Grupo G na may pitong puntos buhat sa dalawang panalo at isang tabla at idagdag diyan ang karangalan ni Bienvenido Maranon na may limang goal, ang pinakamarami sa buong AFC Cup. Ang isa pang koponang Pinoy, ang Kaya Iloilo, ay pumapangalawa sa Grupo H na may 5 puntos galing sa isang panalo at dalawang tabla at may magandang tsansang tumuloy sa ASEAN semifinals kasama ng Ceres.

May mga senyales matapos hindi matuloy ang bunutan para sa knockout playoffs noong Agosto 27 at wala pang napipiling lugar para laruan ng Grupo H habang papalapit na ang tinakdang pagbalik sana ng torneo ngayong Setyembre 23. Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Philippine Football Federation (PFF) Presidente at kasapi ng AFC Executive Council Mariano Araneta na may plano ang Vietnam na umatras bilang punong-abala ng mga laro sa Grupo F at G bunga ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

“These are tough times for everyone connected with Football and sport in general,” wika ng Presidente ng AFC Sheikh Salman bin Ebrahim Al Khalifa ng Bahrain. “I am certain that with the unity and solidarity for which the AFC has become admired across Football, we can overcome this latest challenge.”

Magtututok ng pansin ang Ceres, na ngayon ay kilala bilang United City Football Club, at Kaya sa kanilang paghahanda para sa pagbukas ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa susunod na buwan. Ang kampeon ng PFL ngayong taon ay bibigyan ng karapatan na maglaro sa 2021 AFC Champions League kontra sa mga higanteng koponan ng Australia, Tsina, Japan at Timog Korea.

Ang magtatapos ng pangalawa ay kailangan dumaan sa mga qualifier upang makalahok sa ACL subalit bibigyan sila ng pwesto sa 2021 AFC Cup oras na mabigo sila.Kung magtatagumpay, dalawa ang koponan ng Pilipinas sa ACL at ang ikatlong koponan ng PFL ang maglalaro sa 2021 AFC Cup.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.