Tumalab ang 'rabies' ng Azkals vs. Timor Leste sa AFF Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 13, 2021

Nagtala ng higanteng panalo ang Pilipinas kontra Timor Leste, 7-0, sa pagpapatuloy ng 2020 AFF Suzuki Cup Linggo ng gabi sa National Stadium ng Singapore. Dahil dito, nanatiling buhay ang kampanya ng Azkals sa Grupo A sa kanilang unang tagumpay sa dalawang laro.
Sa first half pa lang ay inilabas ng Azkals ang kanilang bangis at ipinasok ni Martin Steubel ang unang goal sa ika-21 minuto. Sinundan ito ng limang goal sa huling 15 minuto ng first half galing kay Amin Nazari, (31’), Angel Guirado (35’), Patrick Reichelt (40’), Jesper Nyholm (45’) at Bienvenido Maranon (45+1’).
Ito ang ika-13 goal sa karera ni Guirado at nilampasan ang retiradong si James Younghusband para maging pangatlo sa pinakamaraming goal sa kasaysayan ng pambansang koponan sa likod ng unang dalawa na sina Phil Younghusband (52) at Emelio “Chieffy” Caligdong (16). Ito naman ang unang goal bilang Azkals nina Nyholm at Maranon.
Kahit nagawang pigilin ng Timor Leste ang pagragasa ng mga Pinoy, nakahabol pa ng isa pang goal si Patrick Reichelt sa ika-78 minuto para tuldukan ang dominasyon. Kailangan ni Reichelt ng isa pang goal upang mapantay si James Younghusband para maging pang-apat sa paramihan ng goal.
Kailangang manalo ng Azkals ngayong Martes laban sa bigating Thailand ng 5:30 p.m. sa National Stadium muli. Napahiya ang Azkals sa Singapore, 1-2, sa kanilang unang laro noong Disyembre 8.





Comments