top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tuluy-tuloy ang serbisyo sa bagong administrasyon

BULGAR
May 18, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 18, 2022


Tuluy-tuluy na paglilingkod at walang magiging problema sa tinatamasang serbisyo ang ating mga kababayan sa kabila ng nalalapit na pagsasalin ng pamahalaan sa papasok ng bagong administrasyon matapos na maiproklama ang mga bagong halal.


Ito ang siniguro ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos niyang lagdaan ang isang administrative order (AO) na nagbubuo ng Presidential Transition Committee (PTC) na siyang mamamahala sa pagsasalin ng pamamahala para sa susunod na administrasyon.


Sa ilalim ng Administrative Order No. 47 na nilagdaan ni Pangulong Duterte kamakailan ay nakasaad na lahat ng departamento, byurukrasya at iba pang sangay ng pamahalaan ay inaatasang magbuo rin ng kani-kanilang internal transition committees.


Ang internal na komiteng ito ang siyang makikipag-ugnayan sa PTC upang tutukan ang maayos na pagsasalin sa pamamahala sa mga proyektong hanggang ngayon ay hindi pa natatapos at pagpapatakbo ng mga tanggapan ng pamahalaan na nasa gitna ng transition period.


Nakasaad din sa AO na ang PTC ay pangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at ang iba pang miyembro ng naturang komite ay sina Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr., Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Undersecretary Tina Rose Marie Canda, at Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua.


Ganito pinaghandaan ni Pangulong Duterte ang nalalapit na transisyon upang masiguro ang mapayapa at maayos na pagsasalin ng kapangyarihan sa mga susunod na manunungkulan nang hindi naaabala ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan.


Hindi ba’t maging ang mga personal na kagamitan ni Pangulong Duterte ay sinimulan na niyang ipahakot pabalik ng Davao upang anumang oras umano na magkaroon ng opisyal na deklarasyon para sa susunod na pangulo ng bansa ay madali na siyang makakaalis.


Hindi pa man din opisyal na naluluklok sa Palasyo ang bagong nanalong pangulo ng bansa na si Bongbong Marcos (BBM) ay may mga personalidad na siyang binabanggit na nais niyang italaga sa mga mahahalagang posisyon sa pamahalaan.


Unang-una na rito ang running mate ni BBM na si Sara Duterte na siyang itatalagang Department of Education (DepEd) secretary na hindi naman tumutol at sa halip ay nangakong pag-iibayuhin ang maayos na serbisyo para sa edukasyon.


Nasa line-up din ni BBM si dating MMDA Chairman Benhur Abalos, Jr. na nag-resign upang umaktong campaign manager ni BBM at ngayon ay itatalagang Department of Interior and Local Government (DILG) secretary at inaasahang sa susunod na mga araw ay marami pang maitatalaga sa mga bagong posisyon.


Habang nakaantabay tayo sa proklamasyon para sa mga bagong halal ay makabubuting pag-ibayuhin din ng mga itinalagang PTC ang kanilang trabaho upang hindi mapabayaan ang kinakaharap na mga suliranin ng bansa.


Tila nakaliligtaan kasi ang matinding epekto sa atin ng giyera ng Russia at Ukraine na natabunan ng nagdaang kampanya at eleksyon ngunit ang maya’t mayang pagsipa ng presyo ng petrolyo ay tuluy-tuloy pa rin.


Nand'yan din ang pagdagsa ng mga imported na gulay na labis na nagpapahirap sa ating mga magsasaka na malaki ang posibilidad na hangga’t hindi pa naitatalaga sa tamang puwesto ang mga papalit sa mga ahensiya ay baka magsamantala.


Ganyan kahalaga ang itinatag na PTC para hindi umalagwa ang mga masasamang-loob dahil sa pag-aakalang relax na ang ating pamahalaan ngunit hanggang sa huling sandali sa panunungkulan ni Pangulong Duterte ay ayaw niyang magbigay ng kumpiyansa.


Malaking bagay din ang PTC para magkaroon ng pagkakataon ang bagong Pangulo na makapag-isip kung paano niya pupunuan ang lahat ng mababakanteng puwesto sa pamahalaan ng mga karapat-dapat na tao.


Mahigit sa 31 milyong Pilipino ang nagluklok sa ating bagong Pangulo ngunit sinabi mismo ni BBM na hindi lamang siya Pangulo ng iilan dahil Pangulo umano siya ng buong bansa at makabubuting bigyan natin siya ng pagkakataon.


Marami ang umaasa sa bagong pamahalaan na mababago ang takbo ng Pilipinas at hindi natin ito makakamit kung sa umpisa pa lamang ay ayaw na nating magbigay ng pagkakataon na magawa niya ang kanyang mga pangarap, adhikain at plataporma para mapabuti ang ating bansa.


Habang isinusulat ko ang artikulong ito ay nakatanggap tayo ng impormasyon na may ilang grupo na pilit pa ring nagpaplano ng mga kilos-protesta para palabasing may naganap na dayaan sa nagdaang halalan at anumang araw ay agad na itong sisimulan.

Sana ay mas pairalin natin ang kapayapaan at kahit ayaw ninyong makipagkaisa sa bagong pamahalaan ay huwag naman sana ninyong palabasing magulo ang bagong administrasyon dahil sa pagsasagawa ng kabi-kabilang protesta gamit ang walang katotohanang akusasyon.


Tandaan natin ang pahayag ng Philippine National Police (PNP) Commission on Election (Comelec) at ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na malinis at wala kahit katiting na dayaan ang nagdaang halalan.


Maging ang mga lider ng napakaraming bansa ay nagpadala ng mga pagbati at suporta dahil sa payapa at malinis na halalan na ating isinagawa upang makapili ng mga bagong manunungkulan sa bansa.


Kaya sampu ng ating mga kababayang nagkakaisa tungo sa pagbabago ay nakikiusap na sana ay matuto tayong magbigay ng pagkakataon, suporta at respeto sa nais ng nakararami nating kababayan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page