Tuloy sa pagiging tapat, totoo at todo na pagbabalita para sa masang Pilipino
- BULGAR
- Dec 2, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | Dec. 2, 2024

Sa kasalukuyang panahon, ang kahalagahan ng media ay hindi matatawaran. Bawat balita at impormasyon, may malaking epekto sa pananaw at desisyon ng madla. Kaya’t ang pagiging “TAPAT, TOTOO AT TODO” sa pagbabalita ay isang responsibilidad na hindi maaaring ipagwalang-bahala.
Kailangang maging tapat, bukas at malinaw sa paghahatid ng impormasyon. Sa halip na magbigay ng balita na may halong personal na opinyon o interes, kailangang pagsikapan na makapaghatid ng katotohanang sumasalamin sa tunay na pangyayari. Ito ay pagpapakita ng kredibilidad at integridad.
Ang pagiging totoo ay paglaban sa pekeng impormasyon. Obligasyon nating tiyakin na ang bawat balita ay tumpak at nasusuri. Ang totoo at tamang impormasyon ay nagbibigay-daan sa publiko upang makapagdesisyon nang tama.
Ang todo na pagbabalita ay ang pagpapakita ng buong larawan ng isang isyu. Dapat magbigay ng kumpletong konteksto at naglalaman ng lahat ng aspeto ng kuwento upang makuha ang mas malalim na pang-unawa sa usapin.
Sa 33 taon ng pahayagang BULGAR, araw-araw na hamon ang mapanatili ang pagiging tapat, totoo at todo sa paghahatid ng balita.
Sa panahon na mabilis ang pagkalat ng impormasyon, lalo na sa social media, madalas na ang maling balita ay mas madaling kumalat kaysa sa totoo. Kaya’t sinisikap nating magsagawa ng masusing pagsisiyasat at pag-iingat sa lahat ng pagkakataon.
Ito ay isang patuloy na proseso ng pagtiyak na ang impormasyon ay makatarungan, tama, at nakabatay sa katotohanan.
Comments