Uniporme, hindi lisensya sa pananakit

by Info @Editorial | October 23, 2026

Paano magtitiwala ang publiko sa isang pulis na sinanay upang protektahan ang mamamayan kung siya mismo ang inaakusahan ng pananakit sa sariling asawa?
Nakababahala ang mga ulat tungkol sa mga pulis na sangkot sa karahasan laban sa kanilang asawa o kinakasama. Ang mga taong inaasahang tagapagpatupad ng batas ay hindi dapat maging dahilan ng takot, lalo na sa loob ng sarili nilang tahanan.
Hindi simpleng away-mag-asawa ang pambubugbog. Isa itong seryosong uri ng karahasan na maaaring magdulot ng pisikal at emosyonal na pinsala sa biktima.
Dapat maging mabilis, patas, at transparent ang imbestigasyon ng Philippine National Police. Kung may sapat na batayan, nararapat na magsagawa ng kaukulang administratibong hakbang habang dinidinig ang reklamo, nang hindi isinasantabi ang karapatan sa due process.
Hindi rin dapat mapilitang manahimik ang biktima dahil sa takot, kahihiyan, o pangambang walang maniniwala sa kaniya.
Kailangang tiyakin ng mga awtoridad na may proteksiyon, legal na tulong, at ligtas na paraan upang makapagsumbong ang mga nakararanas ng karahasan.
Ang uniporme ay simbolo ng tungkuling maglingkod at magprotekta. Hindi ito pananggalang sa pananagutan o lisensiya upang manakit.



Comments