top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tuloy ang serbisyo para sa bawat Pilipino, lalo na ang mahihirap at walang ibang matakbuhan

BULGAR
Jun 8, 2022
4 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 8, 2022


Magaan sa aking pakiramdam na sa pagtatapos ng 18th Congress, ako, bilang inyong Senador na pinagkatiwalaan ninyo nang tumakbo ako noong 2019 ay maraming naisakatuparan sa tungkulin na iniatang ninyo sa akin.


Kahit baguhan ako sa Senado, sa aking unang tatlong taon ay masaya akong ibahagi sa inyo na nakapagpasa tayo ng mahigit 100 na mga batas. Kasama ang 11 na ako ang may akda, 19 na naging co-author ako, 39 na ako ang principal sponsor bilang inyong Senate Committee Chair on Health, at 66 na naging co-sponsor naman ako.


Bukod pa ang ilang mga panukala na naipasa natin sa Senado bilang sponsor na hindi pa naisasabatas. Umaasa tayong mapirmahan sana ang mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang kanyang termino.


Maipagmamalaki natin na bilang Chair ng Senate Committee on Health, naging adbokasiya ko ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa panahon ng pandemya.


Pangunahing author at sponsor ako ng Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act. Produkto ito matapos kong personal na masaksihan ang paghihirap ng ating mga kapwa Pilipino, lalo na ang mga walang pinagkukunan ng ikabubuhay, kapag humihingi sila ng tulong medikal sa mga ahensya ng pamahalaan.


Ang Malasakit Center ang nagsisilbing “one-stop shop” kung saan naging magaan, lalo na sa mahihirap nating kababayan ang paglapit sa mga ahensya ng pamahalaan para sa kinakailangan nilang tulong sa mga bayarin sa ospital. Sa kasalukuyan ay nakapagtatag na tayo ng 151 Malasakit Centers sa buong bansa, mula Batanes hanggang Jolo, at nakapagbigay na ng tulong sa mahigit tatlong milyong Pilipino.


Nag-sponsor din ako ng 39 na batas na naging daan para magkaroon ng pagsasaayos sa mga pampublikong ospital, at makapagtayo ng mga bago sa iba’t ibang sulok ng Luzon, Visayas at Mindanao.


Hindi natin kinalimutan ang kapakanan ng ating healthcare workers (HCWs) na napakalaki ng naging sakripisyo, lalo na noong unang pumutok ang pandemya. Isa ako sa may akda at co-sponsor ng RA 11712 na magkakaloob sa public and private HCWs ng mandatory benefits and allowances kapag may public health emergency.


Inakda ko rin at ngayon ay batas na ang RA 11466 o ang Salary Standardization Law V na nagkakaloob sa mga civilian government employees, kabilang ang ating mga nars, ng dagdag na sahod.


Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, inakda ko at isinulong ang RA 11470, na nagtatag sa National Academy of Sports na magsasanay sa ating mga kabataang atleta at magbibigay sa kanila ng dekalidad na edukasyon. Masaya rin ako na napagbigyan ang hiniling ko sa ating Pangulo na pagkalooban ng dagdag na suporta at insentibo ang ating mga manlalaro na lumahok sa nakaraang mga kumpetisyon, tulad ng Tokyo Olympics at SEA Games na nag-uwi ng medalya at karangalan sa ating bansa.


At dahil isa sa mga prayoridad nating tulungan ang ating mga Overseas Filipino Workers, isinulong natin ang RA 11641 na lumikha sa Department of Migrant Workers na siyang tututok sa mga problemang kinakaharap ng ating OFWs. Isa ako sa mga may-akda at co-sponsor ng DMW Act.


Kabilang sa mahahalagang batas na naging katuwang din ako ng aking mga kapwa mambabatas sa pagsulong ay ang RA 11469, o ang Bayanihan to Heal as One Act na nagpalakas sa kakayahan ng pamahalaan na makontina ang pandemya; RA 11509, o ang Doktor Para sa Bayan Act na nagkakaloob ng medical scholarship sa mga estudyanteng gustong kumuha ng medisina; RA 11517 na nag-awtorisa sa Pangulo na pabilisin ang proseso at pag-iisyu ng national and local permits, licenses, and certifications kapag may national emergency; RA 11525, o ang COVID-19 Vaccination program; RA 11708 na lumikha sa Metropolitan Davao Development Authority; at RA 11696, o ang Marawi Siege Victims Compensation Act na nagkakaloob ng kompensasyon sa mga naapektuhan ng gulo sa Marawi City; at marami pang iba.


Nasaksihan ko kung gaano kahirap ang pinagdaraanan ng mga kababayan nating nasusunugan. Bukod sa halos araw-araw na pagresponde sa kanilang mga pangangailangan, sinigurado rin nating mapalakas ang mga mekanismo ng gobyerno para maiwasan ang ganitong mga aksidente. Kaya iniakda ko at isinulong ang RA 11589 o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act.


Palalakasin nito ang BFP, bibigyan ng modernong kagamitan at training para mas maging epektibo sa pag-apula sa mga sunog. Papaigtingin din nito ang mga fire prevention information campaigns sa buong bansa para maiwasan ang trahedya. ‘Ika nga nila, sa bawat sakuna, ‘prevention and preparedness is key.’


Ito rin ang rason kung bakit patuloy nating ipinaglalaban na maipasa ang pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience at pati na rin ang pagtatayo ng Mandatory Evacuation Centers sa buong bansa. Hindi man naipasa ang dalawang panukalang ito sa 18th Congress, patuloy nating isusulong ito sa susunod na Kongreso upang mas maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino.


Sa susunod na tatlong taon, sa ilalim ng bagong administrasyon ay patuloy kong isusulong ang mahahalagang panukalang batas na makakatulong sa mga kababayan natin. Kasama na rito ang pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines; Philippine Center for Disease Control and Prevention; E-Governance Act; at marami pang iba.


Iba man ang namumuno, walang tigil pa rin ang serbisyo mula sa inyong Kuya Bong Go na tahimik ngunit patuloy na magtatrabaho para ipaglaban ang interes ng bawat Pilipino.


Umaapela ako sa aking mga kapwa mambabatas na magtulungan tayo upang maiahon ang ating bansa mula sa krisis. Asahan ninyo na uunahin ko parati ang interes ng mga mahihirap at walang ibang matakbuhan.


Patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya upang sama-sama nating maisakatuparan ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na makapagbigay ng mas komportableng buhay sa lahat ng Pilipino!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page