Tuloy ang pagbabantay para sa patas, malinis at mapayapang halalan
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 30, 2022
Pang-siyam na Miyerkules ng dasal at ayuno sa harapan ng Commission on Elections, Intramuros na sinimulan namin noong ika-2 ng Marso 2022.
Sinimulan namin ito sa unang araw ng Kuwaresma bilang panata at sakripisyo para sa isang patas, malinis at mapayapang halalan. Iba-iba ang naging kiling o partikular na mensahe ng dasal at ayuno tuwing Miyerkules.
Noong nakaraang Miyerkules, higit na mahalagang bigyang-diin ang pagbabantay dahil sa sinabi nina Commissioner Socorro Inting at Commissioner Rey Bulay. Sa isang presscon na inorganisa ng Comelec noong mga nakaraang araw, nagpakawala ng banta sina Inting at Bulay. Ganito ang sinabi ni Commissioner Bulay sa wikang Ingles: “To those issuing public opinion that Comelec is biased or that it would cause election fraud, I am warning you that we would not hesitate to call upon the Armed Forces of the Philippines, which is now under Comelec control, to round you up and have you jailed.”
Kaya’t ganito ang pinalathala naming mensahe noong nakaraang Miyerkules: “Magdasal at bantayan ang Comelec. Magdasal para sa patas, malinis at mapayapang halalan!”
Nagkataon namang ang mga pagbasa ay mula sa mga Gawa ng mga Apostol. Maalala natin kung paano dinapuan ng labis na takot ang mga disipulo ni Kristo at paano ring nagpakita si Kristo sa mga takot na disipulo. Naroroon din ang kuwento ni Hudas, kung paano niya pinagkanulo si Kristo at ganu’n din si Pedro at ang ibang hindi naipagtanggol si Hesus dahil sa takot na sila’y madamay. Naging madilim hanggang lubhang nagdilim ang lahat sa pagpanaw ni Hesus sa krus. Sa halip na tumayo kasama ni Maria sa ilalim ng krus ng kanyang nagdusa’t namatay na anak, naglahong parang bula ang mga matatalik na kaibigan at disipulo ni Hesus. Tila lumubog, nagtago at namatay din ang sangkatauhan. Ngunit makaraan ang tatlong araw, madaling-araw ng Linggo, nang tinulak ng mahiwagang puwersa ang mabigat na pintuan ng libingang pinaglagakan sa bangkay ng Panginoong Hesu Kristo.
Mula kay Maria Magdalena na unang nakakita sa Panginoong muling nabuhay, hanggang sa mga nagtatagong apostol na nanginginig sa takot, dumating ang mabuting balitang si Kristo ay pinahirapan, pinatay at muling nabuhay. At salamat sa paglabas ni Kristo sa madilim na yungib ng kamatayan, unti-unting natuto ring lumabas ang mga natatakot at nagtatagong mga disipulo. Tumapang at lumakas ang kanilang mga kalooban. At maski na binabalaan na sila ng Punong Pari at ng Sanhedrin na nagsabing: “Mahigpit namin kayong pinagbawalan magturo tungkol sa pangalan o pagliligtas na ito, pero pinuno ninyo ang Jerusalem sa inyong aral at hangad n’yo kaming panagutin sa dugo ng lalaking ‘yan.” (Gawa 5:27-33)
Ngunit sa kabila ng nakatatakot na babalang ito, ayaw pa ring tumigil ang mga disipulo. At sumagot pa si Pedro, “Ang Diyos ang dapat sundin kaysa tao. Binuhay na muli ng Diyos ng ating mga ninuno si Hesus na pinatay ninyo at binitin sa poste. Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang pinuno at tagapagligtas upang maipagkaloob sa Israel ang pagbabagong-loob at ang kapatawaran ng mga kasalanan. Saksi kami sa lahat ng ito, pati ang Banal na Espiritu na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
Hindi talaga mapigilan ang mga disipulo na ngayo’y mga apostol na dahil nakita nila ang Panginoong muling nabuhay. Nawala ang takot at kapalit nito ang lalim at tatag ng kanilang pananalig at tiwala kay Kristo.
Tumanggap ako ng iba’t ibang mga parinig at pasaring noong nakaraang pagkilos namin sa harapan ng Comelec. Sabi ng isa, “Medyo delikado ang iyong pananalita na parang naghahamon.” Sabi naman ng pangalawa, “Mas maganda at epektibo ang magdasal sa loob ng simbahan o tahanan. Hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga nagdadasal sa kalye.”
Bagama’t magkaiba ang sinasabi ng dalawang mensahe, iisa lang ang nais ipagawa ng mga kaibigan, “Tumigil ka na’t delikado baka kung ano na lang ang mangyari sa ‘yo. Tumigil ka na’t walang nangyayari sa panalangin sa labas. Sa loob lang ng simbahan o ng tahanan gustong marinig ng Diyos ang ating tinig.”
Pawang walang nagawa, walang nangyari sa loob ng siyam na Miyerkules. Subalit, hindi pa rin kami titigil dahil buhay na buhay ang panalangin at pagsuporta sa patas, malinis at mapayapang halalan. Hindi kami matatakot at titigil ng pagbabantay, pagtatanod sa Comelec.
Oo, sa paglabas ni Kristo sa libingan, lumabas ang mga apostol sa kadiliman ng kanilang pinagtataguan; sa paglabas ni Kristo sa libingan, lumalabas ang mga tao sa pagsuporta para sa isang kandidatong kakaiba, nagbibigay-buhay at inspirasyon.
Lalabas sila nang walang takot, at buo ang kalooban dahil pinuspos na sila ng Espiritu ng Diyos at ng katotohanan… hindi sila titigil… walang makapipigil sa kanila.





Comments