Tuloy ang kasal… CRISTINE AT GIO, SWAK KAHIT MAGKAIBA ANG PANINIWALA SA PULITIKA
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | June 5, 2026

Photo: IG _cristinereyes
Pinatunayan ng aktres na si Cristine Reyes at ni Atty. Gio Tiongson na hindi hadlang sa isang relasyon ang pagkakaiba ng pananaw sa pulitika.
Bagama’t sinuportahan ni Cristine si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) noong halalan at nangampanya naman si Gio para kay Leni Robredo, hindi nila hinayaang maging dahilan ito ng hidwaan sa kanilang samahan.
Ayon kay Gio, sa panahon ng matinding political polarization at ‘cancel culture’, mas mahalaga pa rin ang respeto, pagkakaibigan, at maayos na komunikasyon.
Naalala rin niya na muli silang nagkaroon ng mas malalim na komunikasyon nang makatanggap ng online backlash si Cristine dahil sa kanyang pagganap bilang Imee Marcos sa pelikulang Maid in Malacañang (MIM).
Para naman kay Cristine, hindi niya kailanman kinuwestiyon ang pagiging makabayan ni Gio dahil matagal na silang magkakilala at alam niya ang tunay nitong pagkatao.
Dagdag pa ni Gio, hindi naman nagkakalayo ang kanilang pinahahalagahan sa buhay kahit magkaiba sila ng sinuportahang kandidato.
Para sa kanila, posible pa ring magkaroon ng matatag na relasyon kahit magkaiba ang paniniwalang pulitikal basta may respeto at bukas na pag-uusap.
NAGBIGAY ng reaksiyon si Congw. Leila de Lima sa patuloy na pagtatanggol ni Sen. Robin Padilla sa kanyang kapwa-senador na si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Binatikos ng Mamamayang Liberal Partylist representative ang aktor-pulitiko matapos nitong ikumpara ang sitwasyon ni Dela Rosa sa kanyang naging kaso noon.
Matapos kasi ang halos anim na buwang hindi pagharap sa Senado, muling nagpakita si Dela Rosa kasunod ng mga ulat na naglabas na umano ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Dumating si Dela Rosa in time sa botohan para sa pagpapalit ng Senate President kung saan nahalal si Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang pagharap, binatikos ni Dela Rosa ang mga awtoridad ng National Bureau of Investigation (NBI), gayundin ang dating senador na si Antonio Trillanes IV, na napaulat na kabilang sa mga naghahanap sa kanya.
Nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa mga nagtatanong kung bakit siya hindi nagpapakita sa publiko, at sinabing hinahanap siya ng mga tao kapag siya ay nawawala.
Matapos makalabas ng Senado, inamin ni Robin na siya ang kasama ni Dela Rosa nang umalis ito sa gusali.
Sa pagtatanggol ni Sen. Robin kay Sen. Bato, ikinumpara nito ang kaso ng kaibigan sa pinagdaanan noon ni De Lima.
Si De Lima ay naharap din noon sa warrant of arrest habang nanunungkulan bilang mambabatas.
Sey ni Sen. Robin, “The case of Senator Bato differs from that of De Lima. One was allegedly connected to drug lords, and the other is allegedly connected to neutralizing drug lords.”
Hindi pinalampas ni De Lima ang pahayag ng senador.
Sa kanyang social media post, idiniin niyang napawalang-sala na siya sa mga kaso na aniya’y gawa-gawa lamang.
“Excuse me, Sen. Robin. ‘Wag n’yo akong gamitin sa baluktot n’yong naratibo. Acquitted na ako sa hinarap kong mga gawa-gawang kaso. Napakalayo ng sitwasyon ko sa pinasakay mong fugitive from justice na si Sen. Bato. Saka, neutralizing drug lords talaga? Ipaliwanag n’ya ‘yan sa ICC,” pahayag ng kongresista.
Ayon sa ulat, idineklara na ng Department of Justice (DOJ) si Sen. Bato dela Rosa bilang pugante at iniutos ang pag-aresto rito.





Comments