Tuloy ang bayanihan
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 14, 2022
Sunud-sunod na dagok ang dumating sa ating bansa na halos hindi pa tayo nakakaporma ay may kasunod na namang trahedya at dito kitang-kita natin kung paano lumalaban ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga grabeng nasalanta.
Halos isang buwang wala tayong pahinga dahil sa walang tigil nating pagresponde at pamamahagi ng tulong at ayuda sa sunud-sunod na kalamidad sa bansa dulot ng sunog, lindol at ang pinakamatindi ay ang pananalasa ng Bagyong Paeng.
Nagsimula ang trahedya noong Oktubre 16 ng ala-1:50 ng madaling-araw nang maglagablab ang malaking bahagi ng Damata Letre, Barangay Tonsuya, Malabon City, kung saan may 168 pamilya at 608 indibidwal ang nawalan ng bahay at nasilikas sa evacuation center.
Hindi pa humuhupa ang usok ay agad na tayong rumesponde at naabutan pa natin ang mga bumbero na binabasa ng tubig ang mga posible pang magsiklab at kasabay noon ay namahagi na tayo ng Family Food Packs, relief pack at cash sa mga nasunugan.
Kasabay nito ay humagupit naman ang Bagyong Neneng, kaya hindi pa kami nakapagpapahinga ay agad na kaming nagtungo sa lalawigan ng Cagayan dahil marami sa kanila ang nasa evacuation center pa dahil nauna rito’y hinagupit na rin sila ng Bagyong Maymay ilang araw lang ang nagdaan.
Umabot sa 2,003 pamilya ang naapektuhan, samantalang nasa 6,911 katao naman ang nagsilikas at kasalukuyang nasa evacuation centers, kaya muli ay namahagi kami ng Family Food Packs at kaakibat na relief packs.
May isang ngang residente ang yumakap sa akin at ang sabi ako pa lang daw ang Senador na dumating sa kanilang lugar para magdala ng tulong noong panahong iyon.
Ilang araw ding nagpabalik-balik ang aming grupo sa iba’t ibang bayang nasalanta sa naturang lalawigan at halos patapos pa lamang ang isinasagawa naming relief operation ay heto na naman ang Bagyong Paeng na nanalasa noong Oktubre 29.
Kasagsagan ng pagbuhos ng ulan ni ‘Paeng’ ay nag-umpisa na tayong umikot sa mga lugar na kasalukuyang tinatamaan ng mabilis na pagtaas ng tubig at paghupang-paghupa ng ulan ay tumakbo agad tayo sa Kawit at Noveleta, Cavite para personal na masaklolohan ang ating mga kababayan na sa pagkakataong ito ay mas matindi ang kanilang sinapit na trahedya, kaya dinalhan natin ng Family Food Packs, relief packs at iba pang tulong.
Malaki ang ating pasasalamat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na agad nagtungo sa lalawigan ng Cavite para pangunahan ang pagpapaabot ng kanyang tulong sa mga nasalanta.
Ilang araw din naming nilusong ang baha sa Bgy. Panapaan 3-4, Bgy. Aniban 2, Bgy. Aniban 3, Bgy. Aniban 4, Bgy. Aniban 5, Bgy. Ligas 2, Bgy. Ligas 3 at Bgy. San Nicolas 1 na pawang sa Bacoor City para magdala lang ng ayuda.
Nasundan pa ito ng pagdating Vice-President Sara Duterte na naging katuwang natin sa pamamahagi ng tulong sa General Trias at Imus, Cavite na punung-puno rin ng mga taong naghihintay ng tulong dahil marami sa kanila ang nawalan ng tahanan at ang iba ay sa mga kaanak at evacuation center na lamang nanunuluyan.
Nitong nagdaang Biyernes ay sinuyod naman natin ang mga nasalanta sa ilang barangay sa Zamboanga City upang dalhan ng ayuda at kasabay nito ay ininspeksyon ko na rin ang nawasak na floodway sa Bgy. Sta. Maria bilang bahagi rin ng aking trabaho at Chairperson ng Senate Committee on Public Works.
Matapos doon ay dumiresto na rin ako sa Barangay Kushong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at doon ay panibagong wasak na tulay na naman ang aking ininspeksyon at daan-daang residente ang nawalan ng tahanan dulot ng grabeng pagbaha na lahat ay binigyan namin ng Family Food Packs, relief packs at cash.
Mainit ang naging pagsalubong ng mga tao at isang lola nga ang mas inuna pang pisilin ang aking mukha dahil sa panggigigil sa halip na tanggapin ang iniaabot kong food packs at pera na sa isang banda ay nakakawala rin ng pagod.
May isang teacher pa na saglit na nakalimutan ang kanyang pagiging teacher dahil matapos kong hawakan ang kanyang kamay ay hindi magkamayaw sa saya sa kabila ng kanilang sitwasyon at agad pa niyang ikinalat sa social media ang tuwang-tuwa niyang karanasan.
Nakatutuwa na bukod sa dala nating tulong sa bawat lugar na ating puntahan ay may mga kababayan tayong nabibigyan pa natin karagdagang kaligayahan dahil sa pagiging artista natin at mahalaga na sa kanila ang saglit na pakikipagkamay, pagyakap at magpapakuha ng litrato.
Pagkagaling sa Sultan Kudarat ay sinuyod naman natin ang lalawigan ng Aklan dahil umabot din sa 8,182 pamilya at 29,638 ang nasalanta doon dulot ng bagyo na karamihan ay nagsilikas at nasa evacuation center na dahil nawalan ng tirahan.
Sa Balete, Aklan ay nakakapanindig-balahibo ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga apektadong residente na hindi naman maampat ang saya nang dumating tayo sa kanilang lugar at mamahagi ng Family Food Packs, relief packs at financial assistance.
Hindi pa tumitigil ang pawis naming lahat ay isinunod naman namin ang lalawigan ng Antique at inisa-isa namin ang mga bayan ng San Jose, San Remigio, Belison, Hamtic, Patnongon, Sibalom at maging ang mga reservist ng Armed Forces of The Philippines (AFP) at grupo ng mga PWD (People With Disability) ay nabigyan natin ng Family Food Packs, relief packs at cash.
Sa pagtungo sa mga lugar na ating binisita, kitang-kita natin ang katatagan ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng bayanihan, isang angking katangian natin ay makakaahon din tayo sa mga dumaang unos, gayundin sa mga maaaring dumating pa.
Hindi rito nagwawakas ang ating pagtutulungan dahil hindi naman mauubos ang nangangailangan. Basta may pagkakataon ay hindi tayo mapapagod na tumulong kahit masunog ang ating balat sa tindi ng sikat ng araw.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments