Tulfo, nag-sorry… Ilang estudyante at magulang, ‘di nakatanggap ng ayuda
ni Lolet Abania | August 20, 2022

Humingi ng paumanhin si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa mga estudyante at kanilang mga magulang at guardians na hindi nakatanggap ng kanilang educational sa kabila ng pagpila sa Batasan Complex sa Quezon City ngayong Sabado.
“Pasensiya na po kayo. Ginagawan naman ho namin ng paraan. Nagre-recalibrate po kami, ina-adjust po namin,” pahayag ni Tulfo sa media interview ngayong Sabado.
Ayon kay Tulfo, pinaplano na ng ahensiya na iisyu ang cash aid sa mga local government offices.
“Siguro po next weekend ang gagawin namin hihingi po kami ng tulong. Bababa na namin sa munisipyo, pero not in the barangay kasi ang barangay humihingi ng indigency, ayaw ng mga tao ‘yun,” saad ni Tulfo.
“Sa munisipyo, upon the supervision of DSWD personnel, meron pa rin po rito sa munisipyo para pumunta na lang po sila sa mga munisipyo nila,” dagdag ng kalihim.
Ilang mga estudyante kasama ang kanilang mga magulang o guardians, ang nagtiyagang pumila sa DSWD Central Office ng maaga pa lamang ng alas-5:00 ng hapon ng Biyernes upang masigurong makakaabot sila sa cutoff.
Ang nasabing pila ay sadyang napakahaba na umabot na rin sa Batasan-San Mateo Road.
Una nang inanunsiyo ni Tulfo na ang ahensiya ay magpapamahagi ng financial assistance sa mga indigent students tuwing Sabado hanggang Setyembre 24.
Ayon kay Tulfo, ang DSWD ay magbibigay ng P1,000 para sa mga elementary students, P2,000 sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa mga college students o vocational courses.
Sinabi pa ng opisyal na maaaring tatlo ang maging benepisyaryo nito kada pamilya.
Gayundin aniya, para sa mga nagnanais na mag-avail ng assistance kailangan lamang na dalhin ang enrollment certificate at kanilang school ID.





Comments