top of page

Tulad nina Antonio at Boy2... MGA DATING CAST NG BUBBLE GANG, TINANGGAL NA

  • BULGAR
  • May 15, 2022
  • 2 min read

ni Nitz Miralles - @Bida | May 15, 2022



Balik-taping sa studio ng GMA-7 bukas si Michael V. para sa Bubble Gang. Buong panahon ng pandemic at kahit nagte-taping na ang ibang cast, sa bahay lang nagte-taping si Bitoy. Ito ay bilang pag-iingat sa COVID-19 dahil minsan na siyang tinamaan.


Sabi ni Bitoy, kaya siya pumayag na mag-taping na sa studio dahil fully vaxxed na siya at nakapag-booster shot na. Lahat din ng mga kasama sa Bubble Gang, pati staff and crew ay fully vaxxed na. Saka, lumuwag na rin at puwede nang magtrabaho ang may mga trabaho sa labas.


Isa pang rason kung bakit balik-taping sa studio si Bitoy ay dahil ang ite-tape nilang episode ay para sa 26th anniversary ng Bubble Gang na magsisimula ang airing sa May 27. Mas masaya nga naman at mas mararamdaman ang anniversary episode kung sama-sama silang lahat ng cast.


Sabay sa anniversary episode ang re-launching ng Bubble Gang, may new segments na mapapanood at ipakikilala ang bagong cast members. Kinabibilangan ito nina Tuesday Vargas, Dasuri Choi, Kim de Leon at magiging regular na rin daw si Faith da Silva na guest lang dati.


Mami-miss ng mga viewers ng Bubble Gang ang mga naalis sa cast na sina Antonio Aquitania, Mikoy Morales, Ashley Rivera at Dos Quizon. Naiwan naman at patuloy na mapapanood sina Valeen Montenegro, Sef Cadayona, Archie Alemania, Chariz Solomon, Kokoy de Santos, Faye Lorenzo, Annalyn Barro at Paolo Contis. Kasama pa rin daw si Betong Sumaya, pero wala siya sa mediacon.


May paliwanag sina Director Frasco Mortiz at Bang Arespacochaga kung bakit pinaliit ang cast ng Bubble Gang at kung bakit kailangan nilang magtanggal ng members na matagal na sa programa.


“No personal interest kung bakit kailangang may maalis. Kung ano ang hinihingi ng viewers, ‘yun ang ibibigay ng programa. Sa mga nawala, they are still with GMA at may mga shows sila. We wanted a small group para maka-focus sa sketches. 'Pag malaki ang cast, lumalabnaw ang programa. We can also add new talents na ginawa namin. Naintindihan ng mga nawala kung bakit sila nawala sa programa. Pare-pareho naman ang goal namin at ito ay for Bubble Gang to keep going,” sabi ni Bang.


Nalungkot si Chariz sa mga nawalang cast at ganu’n din si Bitoy, pero hindi raw maiiwasan. Kailangan ng improvement ng programa at hindi puwedeng maging stagnant dahil mapag-iiwanan at hindi makakasabay sa pagbabago.


“Palaging may kirot ‘pag may cast member na nawawala, but it’s management decision and they decide kung sino ang ile-let go,” sabi ni Bitoy.


Speaking of Bitoy, may ginawa siyang tula sa resulta ng katatapos na eleksiyon.


Binanggit nito na si VP Leni ang kanyang ibinoto at Kakampink siya. Pero, tanggap niya na pula ang nanalo at mananaig ang respeto sa kanya dahil boses ng Pilipino na ang nagdesisyon, kaya mananahimik siya.


Ang ganda-ganda ng tula na sana ay mabasa ng mga Kakampink na gaya ni Bitoy at para makapag-move on na sila at matanggap ang resulta ng eleksiyon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page