Tsismis sa seguridad ng bansa, stop!
@Editorial | Enero 9, 2023
Mariing itinanggi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga “unusual movement” mula sa mga tropa ng pulisya at militar kaugnay sa umano’y namumuong ‘destabilization plot’.
Wala umanong direktiba na inilabas na itinataas sa “full alert” status ang pambansang pulisya kaugnay sa nabalitang planong coup d'etat kasunod ng pagbibitiw sa puwesto ng ilang opisyal ng Department of National Defense (DND).
Talagang nasa “full alert” status ang PNP dahil sa Pista ng Itim na Nazareno.
Nilinaw din na ang mga nakitang larawan na mga tangke ng Special Action Force (SAF) sa harap ng PNP NHQ ay isang routine, kung saan nagsasagawa sila ng simulation exercise na layong matiyak ang kahandaan ng mga pulis sa anumang mga posibleng eventualities.
Itinanggi rin ng AFP ang ulat na may mga unusual movement ng mga tangke at tropa sa Camp Aguinaldo.
Ang tanging aktibidad umano rito ay ang turn over ceremony, kung saan pormal na nag-assume bilang AFP Chief of Staff si Gen. Andres Centino kapalit ni Lt. Gen Bartolome Bacarro na nagretiro na sa serbisyo.
Sa madaling salita, normal ang sitwasyon.
Itong mga tsismis o fake news ang hindi na dapat dinala ngayong taong 2023. Wala itong magandang naidudulot kundi takot at gulo lang.
Magbago na ang mga pasaway, huwag nang dumagdag sa mga problema ng bayan, plis lang.
Sa kabilang banda, dapat lang din naman na nakikita nating laging handa ang PNP at AFP laban sa anumang banta ng karahasan.
At sa halip na magpakalat ng maling impormasyon, tulungan natin ang gobyerno sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Simulan natin ito sa disiplina sa sarili.



Comments