Tropical Depression Florita, namuo sa Cagayan
ni Lolet Abania | August 21, 2022

Nadebelop at naging tropical depression ang low pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng Aparri, Cagayan, Linggo ng umaga na tinawag na ngayong “Florita,” ayon sa state weather bureau PAGASA. Sa Facebook post, iniulat ng PAGASA na ang LPA ay naging tropical depression ng alas-8:00 ng umaga ngayong Linggo. Sa isang interview, sinabi ni PAGASA weather specialist Daniel Villamil na si Florita ay matatagpuan sa layong 660 kilometro silangan ng Tuguegarao City. Aniya, posible ang landfall nito sa Northern Luzon habang magdudulot ng mga pag-ulan sa mga susunod na araw. “Hindi natin tinatanggal ‘yung posibilidad noong nasabing bagyo na mag-landfall dito sa Northern Luzon area at magdala ng mga pag-ulan dito sa Central Luzon,” saad ni Villamil. “May nakikita rin tayong posibilidad ng enhancement o pag-iral ng hanging Habagat (southwest monsoon) sa mga susunod na araw dito sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas areas,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Villamil na ang epekto ng Florita ay mararanasan simula sa Lunes sa maraming bahagi ng Luzon. Ayon din sa PAGASA, mag-iisyu ng tropical cyclone bulletins kaugnay kay ‘Florita’ simula alas-11:00 ng umaga.





Comments