Tropang Giga, pinagpraktisan at inilaglag na ang Bossing
ni Gerard Arce - @Sports | March 5, 2022

Siniguro ng TNT Tropang Giga na magiging maganda ang resulta ng pagbabalik sa laro matapos kumampanya ang ibang manlalaro nito para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian window nitong Pebrero para dominahin ang wala pang panalong Blackwater Bossing na nagtapos sa 106-93 kahapon at mabigyan pa ng malaking tsansa na makapwesto ng maayos sa playoffs sa 2021 Honda PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nakakuha ng malaking kontribusyon at lakas ang Tropang Giga kay import Aaron Fuller na kumana ng 16pts habang bumomba ng team-high 23pts si rookie superstar Mikey Williams sa 5-of-12 sa three-point area, gayundin ang tig-16 puntos na ambag nina RR Pogoy at Ryan Reyes.
Napitas din ng TNT ang kanilang ikatlong sunod na panalo na huling beses naglaro nung Pebrero 18 kontra Brgy. Ginebra Kings sa bisa ng 119-92 panalo. Sa nakuhang panalo ay tumabla sa 6th spot ang TNT kasama ang Gin Kings sa 5-4 kartada at dapat matiyak na maipapanalo ang dalawa pang laro kontra Terrafirma Dyip sa Marso 9 at Northport Batang Pier sa Marso 11.
Patuloy na nangungulila sa panalo ang Blackwater (0-10) na tanggal na sa torneo nang malasap ang ika-29 na losing drought na huling beses pa nakatikim ng panalo noon pang Oktubre 2020 sa PBA Clark Bubble kontra NLEX Road Warriors.
Nasayang ang 26pts, ni import Shawn Glover, gayundin ang birada ni JVee Casio na may 21pts at Rey Suerte na may 14. Huling sasabak ang Blackwater kontra Magnolia Hotshot sa Marso 9.
Samantala, masasaksihan ang ikalawang leg ng 2nd conference ng PBA 3X3 “Lakas ng Tatlo” simula alas-8:00 ng umaga na katatampukan ng 13 koponan galing sa liga at guest teams.





Comments