Tropang Giga, champ uli sa PBA 3x3 First Leg
ni GA - @Sports | May 24, 2022

Sa ikatlong sunod na komperensiya ay muling nagkampeon ang TNT Tropang Giga 3X3 squad sa first leg ng PBA 3X3 “Lakas ng Tatlo” 3rd Conference na ginanap sa Robinsons Manila nitong nagdaang Linggo.
Pinamunuan ni TNT 3X3 mainstay Samboy De Leon ang kampanya ng koponan upang daigin ang Barangay Ginebra sa iskor na 18-15 katulong sina Almond Vosotros at mga bagong kakampi na sina Gryann Mendoza at Ping Exciminiano. Kumamada si De Leon ng 7pts, habang may 5 si Mendoza, 4 pts si Vosotros at 2pts si Exciminiano para sa P100,000 na first prize.
Ito na ang ikatlong pambuwenamanong panalo ng TNT sa professional 3X3 league kung saan nakuha nila ang unang kampeonato noong first at second conference laban sa Meralco Bolts 3X3 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City at sa Smart Araneta Coliseum sa magkahiwalay na tagpo.
Bago makapasok ng Finals ay tinalo muna ng TNT ang Purefoods TJ Titans sa semifinals sa iskor na 21-13 mula sa tig-8pts nina De Leon at Vosotros, habang nilagok nito ang San Miguel Beer 3X3 sa quarterfinals sa 21-18 sa balanseng atake na pinangunahan ni Exciminiano.
Nakarating sa Finals ang Ginebra 3X3 na binubuo nina Mikey Cabahug, Denice Villamor, Leo De Vera at Martin Gozum nang putulan ng kuryente ang Meralco sa 13-10 sa semifinals at isintunado ang Platinum Karaoke sa 21-20 na parehong pinagbidahan ni Cabahug. Naibulsa ng Ginebra ang P50,000 second prize money habang may P30,000 ang Purefoods na tinalo ang Meralco sa battle-for-third sa 19-17.
“Malaking tulong ang dalawa naming bago para makuha namin ang first leg championship. Sana magtuloy-tuloy na (going to the next legs),” wika ni Vosotros, na winalis ng tropa niya ang Pool A kasama ang Zamboanga Valientes, Terrafirma Dyip, at finalist Brgy. Ginebra na tinalo nila sa elimination sa 21-15.





Comments