Tropa ni Yorme, matikas lang sa mga vendor, nganga naman sa mga gambling lords!

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 8, 2021
PAGIGING CAMPAIGN MANAGER, KINAKARIR NA NI PANELO—Matapos sabihin ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na sure win sa 2022 presidential election si presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sinabi rin niyang sure win din si Health Sec. Francisco Duque kapag kumandidato itong senador.
Talagang kinakarir na ni Panelo ang pagiging campaign manager kasi hindi lang si Mayor Sara ang kinakampanya niya, kundi pati si Sec. Duque, boom!
◘◘◘
KUNG MAY HIYA SA PUBLIKO SI PANELO, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA—Kung may hiya pang natitira si Panelo, dapat mag-resign na siya bilang miyembro ng Gabinete ng Duterte gov't.
Hindi kasi katanggap-tanggap sa publiko na sinusuwelduhan siya ng taumbayan, tapos ang inaatupag niya ay ikampanya ang kandidatura nina Mayor Sara for president at Duque for senator, pwe!
◘◘◘
NAGKALAT NA NAMAN ANG RAKET NA BOOKIES SA TERITORORYO NI YORME—Nagkalat na naman daw ang operasyon ng bookies ng karera nina alyas "Boy Abang" at "Lorna" sa Maynila, na ang sentro ng operasyon ay sa Tondo.
Pambihira ang lakas nina "Boy Abang" at "Lorna" sa Manila City Hall kasi sobrang higpit ni Mayor Isko Moreno sa mga ilegalista, pero pagdating sa raket ng dalawang gambling lords, "nganga" lang si Yorme, buwisit!
◘◘◘
TROPANG YORME, TIKLOP SA BOOKIES NINA BOY ABANG AT LORNA—Madalas i-post sa social media ng mga tauhan ni Yorme Isko ang ginagawa nilang panghuhuli sa mga vendor at pagkumpiska sa paninda ng mga ito sa mga bangketa sa Maynila.
'Ika nga, ang titikas ng mga taga-Manila City Hall sa pagbangga sa mga vendor, pero pagdating sa mga gambling lords na tulad nina "Boy Abang" at "Lorna" ay tiklop ang ang tropang Yorme, boom!





Comments