Trolls, goodbye sa SIM Card Registration Act
ni Ryan Sison - @Boses | February 05, 2022
Pasado na sa Kongreso ang SIM Card Registration Act, kung saan magiging mandatory na rin ang pagrehistro ng social media accounts.
Unang naratipikahan sa Senado ang bicameral committee report ng mga panukala sa Senado at Kamara para sa pagpaparehistro ng SIM cards.
Kabilang sa napagkasunduan ng mga mambabatas na gawing bahagi ng mandato ng public telecommunications entities (PTEs) ang pagpaparehistro ng SIM cards bago ito ibenta at magamit ng subscriber. Gayundin, kinakailangang gumamit ng tunay na pangalan at phone number sa paggawa ng social media accounts.
Ang hakbang na ito ay upang mapigilan ang mga krimen tulad ng text scam, bank fraud, libel, anonymous online defamation, trolling, hate speech at pagkalat ng fake news.
Samantala, mainit na tinanggap ng telecommunication companies ang ratipikasyon ng registration ng SIM cards. Ayon sa mga telcos sa bansa, handa silang ipatupad ito sa oras na maisabatas.
Karamihan sa kanila ay naniniwala na matutuldukan ang talamak na panloloko sa pamamagitan ng batas at makatutulong din umano ito sa digital economy ng bansa.
Magandang balita na malapit nang maisabatas ang SIM Card Registration Act.
Talagang napapanahon na ito dahil habang tumatagal, dumarami pa ang mga nabibiktima.
Kabilang na riyan ang mga panloloko sa pamamagitan ng text, identity theft, online harassment, pagpapakalat ng fake news at marami pang iba.
Ang masaklap pa, hindi natutulungan ang biktima dahil hirap matunton ang may-ari ng mobile number dahil napakadaling bumili ng SIM card para makapanloko.
Kaya kung mas madaling matutukoy ang may-ari ng SIM card o account, mas mabilis na maaagapan ang mga krimen.
Samantala, malaking tulong ito laban sa pagkalat ng mga troll. Dahil matutukoy ang kanilang pagkakakilanlan, maaari silang masampolan at maturuan ng leksiyon.
Hangad nating maisabatas ito sa lalong madaling panahon upang matigil na ang iba’t ibang krimen na napakadaling magawa ngayon.
Magiging win-win ang sitwasyon dahil mas mapoprotektahan ang mamamayan laban sa iba’t ibang krimen, gayundin, mananagot ang mga dapat managot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments