Trilyones ang nawala Sa Bansa dahil sa kawalan ng face-to-face classes
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 18, 2021
Hindi kailang nagdulot ng pinsala sa kabataan ang pagsasara ng mga paaralan at ang mga paghihigpit sa gitna ng pandemya. Nagsimula na ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad mula 12 hanggang 17 taong gulang, habang nagsimula na ring tumakbo ang pilot test ng limited face-to-face classes.
Lumabas sa ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na katakut-takot na P11 trilyon ang mawawala sa bansa dahil mahigit isang taong walang face-to-face classes.
Kaya naman, mahalagang magkaroon din ng programa para sa learning recovery upang makahabol ang mag-aaral mula sa kawalan ng face-to-face classes.
Kamakailan, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 2355 na layong itatag at ipatupad ang learning recovery program na tatawaging Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL). Magiging saklaw ng panukalang programa ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Para sa mga mag-aaral ng Kindergarten, tututukan naman ang literacy at numeracy.
Target ng naturang programa ang mga hindi nag-enroll noong nagdaang school year at iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science. Isinusulong din ng programa ang pagbibigay-suporta pagdating sa nutrisyon at kalusugan, pati na sa mental health ng mga mag-aaral.
Bukod pa rito, dapat maging prayoridad sa 2022 National Budget ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Matatandaang pinuna natin na maaaring hindi sapat ang P358 milyon sa susunod na taon para sa mga Priority School Health Facilities. Ang pondong ito ay nakalaan para sa mga pasilidad tulad ng patubig at iba pang sanitation facilities sa mga paaralang kapos nito.
Naninindigan tayo bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado na dapat dagdagan ang pondo ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, isang attached agency ng Department of Education (DepEd). Ang panukalang mahigit P70 milyong pondong nakalaan sa nasabing ahensiya para sa 2022 ay mas mababa ng 59 porsiyento kung ihahambing sa budget nito ngayong taon.
Matindi ang pinsalang idinulot ng COVID-19 sa mga mag-aaral. Kaya sa ating pagbangon mula sa pandemya, dapat nating tiyaking hindi sila mapag-iiwanan.
Dahil dito, mahalagang itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng kabataan. Sa pagdiriwang ng National Children’s Month, sana ay magsilbi itong paalala sa bawat isa at maudyukan ang lahat na magtulungan upang makamit nila ang karapat-dapat na dekalidad na edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments