Travel tax at airport terminal fee ng OFW
- BULGAR
- Oct 21, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 21, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay magtatrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa. Nais ko lamang malaman kung ang Overseas Filipino Worker (OFW) na katulad ko ay kinakailangang magbayad ng travel tax at airport terminal fee sa araw ng aking pag-alis patungong ibang bansa? - Rizza
Dear Rizza,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay tinatalakay sa Section 22 ng Republic Act No. 10022 o ang batas na nag-amyenda sa Republic Act No. 8042, na mas kilala bilang Migrant Workers And Overseas Filipinos Act Of 1995. Nakasaad dito na:
“Section 22. Section 35 of Republic Act No. 8042, as amended, is hereby amended to read as follows:
SEC. 35. Exemption from Travel Tax Documentary Stamp and Airport Fee. – All laws to the contrary notwithstanding, the migrant workers shall be exempt from the payment of travel tax and airport-fee upon proper showing of proof entitlement by the POEA.
The remittances of all overseas Filipino workers, upon showing the same proof of entitlement by the overseas Filipino worker’s beneficiary or recipient, shall be exempt from the payment of documentary stamp tax.” (Binigyang-diin)
Malinaw sa nabanggit na probisyon ng batas na hindi saklaw ng pagbabayad ng travel tax at airport terminal fee ang Overseas Filipino Worker (OFW) sa oras na maipakita niya ang kanyang karapatan para rito na magmumula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Alinsunod sa Rule XVII, Section 4 ng Implementing Rules and Regulations ng nasabing batas, ang overseas employment certificate (OEC) mula sa POEA ang dapat maipakita ng OFW para ma-exempt siya sa pagbabayad ng mga nabanggit na bayarin.
Kaya naman, bilang OFW, hindi mo na kailangang magbayad ng travel tax at airport terminal fee. Sa halip, kailangan mo lamang ipakita ang OEC mula sa POEA bilang patunay na ikaw ay OFW.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments