Travel ban vs. bagong strain ng COVID-19, plis lang!
- BULGAR

- Dec 30, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 30, 2020
Matapos matuklasan ang bagong strain ng COVID-19 sa United Kingdom, agad na nanawagan ang publiko at ilang ahensiya ng gobyerno na magpatupad ng travel ban dahil napag-alaman ding mas nakahahawa ito.
Kaya noong Disyembre 24, suspendido na ang mga flight mula UK hanggang Enero 14. Lahat ng mga pasahero na bumiyahe patungo o mula sa UK sa loob ng 14 araw ay pinagbawalan ding makapasok sa bansa.
Pero nang malaman ng publiko na hindi lang UK ang nakapag-ulat ng bagong strain ng COVID-19, nagdulot ito ng takot, kaya naman maraming nagrekomenda na palawigin pa ang travel ban.
Giit pa ng ilang opisyal at eksperto, hindi na dapat hintaying magkaroon ng local transmission ng bagong COVID-19 strain bago higpitan ang travel restrictions.
Bandang alas-12:00 ng tanghali kahapon (Martes), inanunsiyo na palalawigin ang travel ban sa 20 bansa na nakapagtala ng bagong strain ng COVID-19, ngunit kalaunan ay nilinaw na ito ay suhestiyon lamang ng ilang ahensiya ng gobyerno.
Habang isinusulat ang artikulong ito, hinihintay pa ang panuntunan mula sa Office of the President hinggil sa magiging travel restrictions.
Oras na maging pinal ang desisyon, dapat itong maipahatid agad sa publiko para maiwasan ang kalituhan.
At ngayong gumawa ng hakbang ang pamahalaan upang maiwasan ang local transmission ng bagong COVID-19 strain, tayong publiko ay may dapat ding gawin.
Tulad ng paulit-ulit nating paalala, ‘wag makampante kahit wala pa sa ‘Pinas ang bagong strain ng virus.
Hindi natin alam kung kailan at saan ito puwedeng makuha kaya utang na loob, hangga’t maaari ay iwasang lumabas ng bahay kung hindi naman mahalaga ang pakay. Gayundin, patuloy tayong sumunod sa health protocols sa lahat ng oras.
At ngayong Bagong Taon, ‘pag sinabing bawal ang party-party, bawal. Makuntento na tayo sa simpleng salu-salo dahil ang mahalaga, malusog at ligtas nating sasalubungin ang 2021.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments