Traslacion sa 2022
- BULGAR
- Jan 16, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 16, 2022
Katatapos lang ng Pista ng Mahal na Senior Poong Nazareno noong linggo, ika-9 ng Enero 2022.
Ito ang petsa ng “Traslacion”, ang paglipat ng imahen ng Itim na Nazareno noong 1608 mula sa kanyang unang tahanan sa simbahan ng San Juan Bautista ng mga paring Agustinong Recoletos sa Bagumbayan, Intramuros sa simbahan ni San Nicolas de Tolentino ng mga paring Agustino sa loob ng Intramuros.
Noong ika-9 ng Enero, 1787 ipinagkaloob ng mga paring Agustino Recoletos ang kopya ng orihinal na imahen sa Simbahan ng Camisa, na naging simbahan ng Quiapo. Ito ang ipinagdiriwang na Translacion ng mga mananampalataya tuwing ika-9 ng Enero. Ang sumunod na linggo, ang mismong araw na ito ay ang pista ng Santo Niño.
Ang imahen ng Santo Niño ay ang pinakamatandang Kristiyanong “artefact” o bagay/gamit na Kristiyano sa ating bansa. Ito ay regalo ni Ferdinand Magellan kay Rajah Humabon at sa kanyang konsorte noong 1521 pagkatapos magpabinyag ang dalawa.
Taun-taon, ginaganap ang Sinulog o ang pagsayaw-papuri sa banal na Sanggol na Hesus tuwing ika-16 ng Enero.
Ipinagdiriwang ang dalawang pista ng Nazareno at Santo Niño sa labas ng simbahan.
Isang seryoso at solemneng prusisyon ang Translacion ng Itim na Nazareno. Binabalikan nito ang kasaysayan ng paglipat ng imahen ng Nazareno mula Bagumbayan, Luneta hanggang Intramuros at ang pinaka-huling tahanan nito sa Simbahan ng Quiapo na kilala na ngayon bilang Simbahan ng Itim na Nazareno. Kabaliktaran naman ang pagdiriwang ng Pista ng Santo Niño, sa halip na malungkot at solemne ito, masaya’t maingay puno ng halakhak at indayog ang lahat-lahat na nakikilahok.
Magkaiba ba ang dalawang imahen: ang Itim na Nazareno at ang Santo Niño? Hindi ba’t parehong imahen ng ating Panginoong HesuKristo ang dalawa? Ano ang epekto sa kamalayan at pagkatao ng Pilipino ng dalawang pista na halos magkadikit ang petsa?
Maaari bang pagsamahin at pag-isahin ang diwa ng dalawang pista – sanggol at binatang naglalakad patungong kalbaryo buhat-buhat ang kanyang krus? Maaari bang magsama sa isang tao ang diwa ng isang batang mahal at malapit sa kanyang magulang, isang sanggol na puno ng sigla, tuwa at pag-asa at ang diwa ng isang binatang walang takot na isinasabuhay at ginagawa ang kanyang misyon sa harap at sa kabila ng mabibigat at lubhang delikadong pagsubok?
Marahil, ito ang pinagmumulan ng magulong pag-iisip, pag-uugali at pagkilos ng maraming Pinoy.
Minsan, para tayong mga batang gustung-gusto at sabik na sabik na sa laro, gala at kain.
Kaya noong bumaba ang Alert Level 2 biglang nagmistulang mga hayop na nakawala sa koral ang marami sa atin. Ito ang munting sanggol na nais maging normal at masigla sa kabila ng iba’t ibang hamon at panganib.
At dahil sa pagbababa ng alert level o ng antas ng pag-iingat at pagpapasunod sa “anti-pandemic protocol” noong Disyembre, nagkahalu-halo ang matatanda’t bata sa mga mall at parke, sa mga pasyalan sa tabing-dagat at kabundukan, nagmistulang malawakang sinulog ang paglabas at pagdagsa ng lahat.
At bago tuluyan nang mawala ang pakundangan at pag-iingat sa harap ng pandemya, biglang dumating at mabilis na kumalat sa maraming sulok ng bansa ang Omicron variant at sa isang iglap biglang naglaho ang lahat ng tawa’t pagdiriwang ng nakaraang Kapaskuhan. At matatapos nga ang buwan ng Enero na pawang kabaliktaran ng buwan ng Disyembre.
Kailangan bang paghiwalayin ang dalawang diwa ng magkaibang pagdiriwang o dapat bang pag-aralan nating pagsamahin, pag-isahin o kilalanin na dalawang bahagi ng iisang pagkatao at lahi?
Dumating na ang Omicron variant ng COVID-19, maraming nahawa, naka-quarantine at nasa ospital. Malungkot at puno na naman ng pangamba ang paligid. Ganun lang nawala ang diwa ng sigla, saya at pag-asa ng Santo Niño at mabilis na napalitan ito ng seryoso, tapat at matapang na pananampalataya at pagmamahal ng anak na Hesus sa kanyang Ama? Nawala ba talaga o sabay-sabay na isinantabi dahil sinabi ng pamahalaan?
Marahil, ito rin ang mahalagang leksiyon at biyaya ng pandemya na sa lahat ng oras, buhay at palaging sariwa ang sigla, saya at pag-asa ng minamahal at nagmamahal na Banal na Sanggol at kasabay nito at palaging buhay din ang seryoso, matapang at tapat na pagsunod ng nagdurusang Itim na Kristo sa karamihan ng mamamayang Pilipino!





Comments