Traslacion 2024, nawa’y maging maayos, ligtas at sagrado
@Editorial | Enero 9, 2024
Sa pagbabalik ng tradisyunal na pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, hangad natin na ito’y maging maayos, ligtas at sagrado.
Nitong Sabado, nagsimula na ang ‘Pahalik’ sa Quirino Grandstand at ngayong araw ng kapistahan, Enero 9, magbabalik ang Traslacion o ang prusisyon na magdadala pabalik sa simbahan ng Quiapo.
Matatandaang huling isinagawa ang Traslacion noong 2020 at tumagal ito ng 16 na oras.
Ngayong balik na ang Traslacion, inaasahang dadagsain ito ng milyun-milyong deboto.
Kaya kailangang maging responsable at disiplinado ang lahat upang maiwasan ang gulo, sakitan at lalo na ang may masawi.
Sa totoo lang, marami ang nabibilib sa mga deboto dahil talagang hindi nila iniinda ang gutom, uhaw at maging ang matinding init para makasama sila sa paghahatid ng imahe ng Nazareno.
Kaugnay nito, kailangang maging handa ang mga makikibahagi sa Traslacion. Kung hindi kakayanin, mas mainam na 'wag na muna sumama sa prusisyon.
Ganundin, sundin ang mga kautusang inilabas ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo at ng mga otoridad para maiwasang may masaktan. Ilan dito ang paalalang bawal akyatin ang andas ng Itim na Nazareno na ginagawa noong nakaraang mga pagdiriwang.
Nauna nang nagsabi ang Philippine National Police na nasa 15,000 na pulis ang naka-deploy sa kasagsagan ng pagdiriwang at nakahanda rin silang dagdagan ito kung kinakailangan.
Magpapatupad din ng “no-fly zone” sa kasagsagan ng Traslacion, at mga otoridad lamang ang pahihintulutang gumamit ng drones.
Pinapayuhan naman ang mga magsisimba na mag-face mask at mag-obserba ng social distancing kontra sakit.
Umaasa tayo na matatapos ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno nang maayos at dinggin nawa ang panalangin ng mga deboto at nagsusumamo.



Comments