Karahasan sa loon ng tahanan, palala nang palala

by Info @Editorial | October 26, 2026

Nakakaalarma ang mga balita tungkol sa mga krimeng kinasasangkutan ng magkakapamilya.
May asawang pinapatay ng sariling kabiyak, mga batang nagiging biktima ng pang-aabuso, at mga alitang pampamilya na nauuwi sa karahasan.
Ang tahanang dapat sana ay kanlungan ng pagmamahal at seguridad ay nagiging lugar ng takot at panganib.
Hindi dapat ituring na simpleng away-pamilya ang domestic violence. Sa likod ng mga insidenteng ito ay maaaring may matagal nang pananakit, pagbabanta, pagkontrol, at pang-aabusong hindi agad naipapaalam sa mga awtoridad.
Maraming biktima ang nananatiling tahimik dahil sa takot, kahihiyan, kawalan ng sariling kabuhayan, o pag-aalalang lalo silang mapahamak kapag nagsumbong.
Hindi sapat na kumilos lamang kapag may nasaktan nang malubha o may buhay na nawala. Kailangang seryosohin ang bawat reklamo at palakasin ang pagtugon ng mga barangay, pulisya, at social welfare offices.
Mahalaga ring matiyak na may ligtas na matutuluyan, legal na tulong, at sikolohikal na suporta ang mga biktimang nais kumawala sa mapang-abusong relasyon.
May mga batas na naglalayong protektahan ang mga biktima ng karahasan, ngunit ang tunay na hamon ay ang mabilis at epektibong pagpapatupad ng mga ito.



Comments