Transport sectors, dapat handa bago ang Semana Santa
- BULGAR
- Mar 24, 2024
- 1 min read
@Editorial | Marso 24, 2024
Naghahanda na ang mga transport terminal sa nalalapit na Semana Santa.
Inaasahan kasi ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nasa higit isang milyong pasahero ang dadagsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, tiniyak din ng airport authorities na naghahanap na sila ng paraan upang masugpo ang mga peste sa paliparan matapos mag-viral ang mga video na nagkalat ang mga ipis, daga at surot sa airport.
Ang isa pa sa kailangan nating ipagdasal ay sana walang mangyaring aberya sa ating paliparan sa panahon ng Semana Santa lalo na’t dagsaan ang mga tao.
Batid natin ang problemang kinaharap ng NAIA nitong mga nakaraang taon tulad na lamang ng power interruptions, kung saan marami ang naantalang biyahe.
Umaasa tayo na isa ito sa tututukan ng paliparan upang hindi makasira sa operasyon ng airport.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensya ng gobyerno para ipatupad ang road safety implementation program nito para sa Semana Santa na “Oplan Bantay Biyahe Semana Santa 2024”.
Magsasagawa ang ahensya ng inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan upang matiyak ang kanilang kaligtasan at roadworthiness kasama na ang random drug testing sa mga drayber.
Panawagan naman sa publiko na uuwi sa kani-kanilang destinasyon, matutong sumunod sa mga panuntunan upang matiyak ang ating kaligtasan at hindi makunsume sa biyahe.
Hiling natin na mairaos ang Semana Santa nang maayos at mapayapa.



Comments