Transmission lines sa Quezon at Aurora, bagsak pa rin – NGCP
ni Lolet Abania | October 31, 2022

Nananatili ang mga transmission lines sa mga bahagi ng lalawigan ng Quezon at Aurora na hindi nag-o-operate dahil sa epekto ng Severe Tropical Storm Paeng, ayon National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ngayong Lunes.
Sa isang radio interview kay NGCP spokesperson Atty. Cynthia Alabanza, sinabi nitong ang mga apektado ng power interruptions ay mga kostumer ng Quezon I Electric Cooperative (QUEZELCO 1) at ng Aurora Electric Cooperative (AURELCO).
“Dito sa probinsya ng Quezon, mga kostumer ng QUEZELCO 1, partial transmission services. Ibig sabihin, ang QUEZELCO 1, hindi pa rin buo ang access sa transmission services ng NGCP,” sabi ni Alabanza.
“Ang AURELCO remains isolated, ibig sabihin wala siyang natatanggap na kuryente,” dagdag ng opisyal.
Paliwanag ni Alabanza, ang nangyaring damage o pinsala sa mga transmission lines ay dahil sa iba’t ibang debris, gaya ng mga sanga ng puno sanhi ng malalakas na hangin na dulot ng Bagyong Paeng.
Aniya, ang power restoration o pagbabalik ng kuryente sa dalawang nasabing probinsiya ay hindi pa rin mabatid, habang pending ang assessment ng NGCP tungkol dito.
Sinabi ni Alabanza na ang mga serbisyo naman ng kuryente sa ibang mga lugar sa bansa, bukod sa Quezon at Aurora, ay na-restore na simula noong Sabado hanggang umaga ng Linggo.
“Ang Sorsogon, Camarines Norte, Camarines Sur, Batangas, Laguna, Zambales, Nueva Ecija, parts of Meralco po affected din siya… lahat po ‘yan naibalik natin. Ito na lang dalawang probinsya ang natitirang inaayos ni NGCP,” sabi ni Alabanza.
Ini-report pa ng opisyal na wala na aniya, silang nakikita na anumang matinding pinsala sa kanilang mga pasilidad sa ngayon, kaya hindi na kailangan na magtakda ng isang emergency response system.
Tuluy-tuloy din ang clearing operations ng NGCP sa mga partikular na mga lugar.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes, nasa 169 mula sa 263 apektadong lungsod at munisipalidad ang nakararanas pa rin ng power interruptions dahil kay ‘Paeng’.
Sinabi rin ng NDRRMC na ang bagyo ay nakapagtala na ng tinatayang 98 kataong nasawi, 69 nasaktan, habang 63 ang nawawala.





Comments