top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Trahedya at pandemya, may kaugnayan sa pulitika ng bansa

BULGAR
Jul 4, 2021
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 04, 2021



Hapon ng ika-15 ng Hunyo, 1991. Nagkakasal tayo sa Santa Maria della Strada Parish Church sa Pansol Ave., Diliman, Quezon City, nang biglang nagdilim ang paligid at tila may niyebe dahil bumabagsak sa paligid ang maliit na alikabok.


Napakaromantiko nito para sa mga kinakasal, subalit posible ba talagang niyebe ang bumabagsak noong hapon na ‘yun? Natapos ang kasal at nag-picture taking ang mga bagong kasal kasama ng kanilang entourage at bisita. Nauna na tayong umalis, ngunit pagdating ko sa aking sasakyan ay puno ng buhangin na may halong abo ang windshield ng aking sasakyan.


Samantala, halos isang daang araw din noon bago ang “Filing of Candidacy” para sa Pambansang Halalan sa susunod na taon. Patapos na ang termino ni dating Pangulong Cory Aquino at hindi pa malinaw kung sinu-sino ang mga interesadong tumakbo sa pagka-pangulo. Ang mahalagang tanong noon, sino ang kandidatong hindi lamang tatakbo para sa pansarili o pang-partidong interes, kundi para sa tunay na kapakanan ng bansa?


Pito ang tumakbong pangulo noon: sina Fidel V. Ramos, Miriam Defensor Santiago; Danding Cojuangco; Ramon Mitra; Imelda Marcos; Jovito Salonga at Salvador Laurel — nanalo si Fidel V. Ramos.


Sa dami ng mga tumakbo, sinuman ang manalo ay magiging “minority president” lang. Bilang minority president, kailangan niyang maglingkod sa paraang makatutulong sa nakararami at hindi lang para sa sarili, pamilya, kaibigan, ka-partido at iba pa. Naging malinaw ba ang naturang “legacy” o pamana ng pangulo na magtatapos ng kanyang termino? Ano ang pinaka-mahalagang pamana ni ex-P-Cory na naging simbolo at lider ng matagumpay ng People Power Revolution laban sa diktador na Marcos?


Marahil kaya muling nanalo ang isa pang Aquino ay dahil nakikita ang pagbalik ng mga Marcos at muling paglaki at paglaganap ng kapangyarihan ng mga pulis at sundalo. Hindi lang dilawan ang bumoto kay ex-P-Noy, kundi ang mga dismayado sa pamamayagpag ng mga Marcos at ng mga heneral na ganun na lang ang ipinagmamalaking kapangyarihan dahil malapit sila sa lider ng bansa.


Sa ngayon ay muling nag-aalborot ang Bulkang Taal, kasabay nito ay malapit na ang susunod na halalan na tila napakaraming nais tumakbo bilang pangulo.


Enero noong nakaraang taon, nag-alboroto ang Bulkang Taal. Nabulabog ang maraming karatig-probinsiya. Nabalot ang Maynila ng manipis na kumot ng abo. Nagsimula ang pagpapadala ng ayuda sa mga lugar na lockdown. Ngunit, hindi pa nagtatagal, dumagok din ang isa pang sakuna, ang pandemyang COVID-19.


Samantalang nagbibigay-babala ang kalikasan at pandemya, sinisikap ba nating makinig at magmasid? Maraming gustong tumakbo mula sa kasalukuyang administrasyon. Magandang magtanong, ano ba ang pamana kung meron man ng kasalukyang administrasyon? Gusto ba natin ito o hindi ito? Makinig at magmasid. Tingnan sa kalayuan ang usok at abo mula sa bulkan. Tingnan at pagnilayan ang trahedya ng nagdaang isa’t kalahating taon.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page