Traffic enforcers, wa’ alam sa validity ng expired license, takaw-gulo?
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | September 14, 2023
DAPAT BIGYAN NG MEMO NG LTO ANG LAHAT NG TRAFFIC ENFORCERS NA VALID HANGGANG APRIL 2024 ANG MGA LISENSYANG EXPIRED NA PARA IWAS-AWAY SILA SA TSUPER -- Dahil sa kakulangan ng plastic na identification card (ID), ay inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) na ang mga driver’s license na nag-expire last April 2023 ay valid pa rin hanggang April 2024, na ang ibig sabihin ay puwede pa rin daw itong gamitin sa pagmamaneho.
Dapat bigyan ng kopya o memo ng LTO ang lahat ng traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga traffic enforcer sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa Pilipinas, kasi kung hindi nila ito gagawin ay baka pagmulan ‘yan ng away ng traffic enforcer na hindi nakaaalam sa kautusan ng LTO at ng driver na alam ang utos ng ahensya, boom!
◘◘◘
MGA SEN. AT CONG. DAPAT MAGKAISA, ‘WAG SILANG PAPAYAG BAWASAN ANG BUDGET NG SUCs AT SA HALIP PADAGDAGAN PA -- Maraming kabataan na gustong magkolehiyo ang tiyak na hindi makapag-aaral dahil sa isinagawang budget cut ng Dept. of Budget and Management (DBM) sa 30 State Universities and Colleges (SUCs).
Sa isyung ito, dapat ipakita ng majority senators and congressmen na sila ay mga tunay na lingkod-bayan. Magkaisa silang tutulan ang budget cut ng DBM sa 30 SUCs, at sa halip na bawasan, ay irekomenda nilang taasan o dagdagan pa ang budget ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa bansa, period!
◘◘◘
SANA MAY ‘PALABRA DE HONOR’ SI SENATE PRES. MIGS ZUBIRI -- Sabi ni Senate President Migs Zubiri ay sasalain daw nila ang mga ahensya ng gobyerno na dapat bigyan ng confidential fund. ‘Yun daw mga tanggapan ng pamahalaan na walang mandato sa law enforcement at national security ay hindi raw nila bibigyan ng "confi funds."
Tingnan nga natin kung may "palabra de honor" si SP Migs sa sinabi niyang ‘yan, abangan!
◘◘◘
NGAYONG SI TIM CONE NA ANG COACH NG GILAS PILIPINAS, ASAHAN NA NIYANG SIYA ANG NEXT TARGET NG MGA BASHERS -- Dahil sa mga pamba-bash na inabot ni Chot Reyes matapos ang sunud-sunod na pagkatalo ng Gilas Piipinas sa nakalipas na FIBA Basketball World Cup, ay naobliga siyang mag-resign bilang head coach ng Team Philippines.
Ang head coach ngayon ng Gilas Pilipinas ay si Coach Tim Cone, at dapat lagi niyang maipanalo ang laban sa mga dadaluhang torneo sa basketball, kasi kapag nakatikim ng talo, asahan na niyang siya ang next target ng mga Pinoy bashers na hindi marunong tumanggap ng pagkatalo, boom!





Comments