Traffic enforcers ng LGU, bawal maniket at mangumpiska ng lisensya, 'wag maangas
- BULGAR
- Mar 7, 2024
- 1 min read
@Editorial | Marso 7, 2024
Hindi maaaring mag-issue ng traffic violation receipts o ordinance violation receipts ang mga lokal na pamahalaan dito sa Metro Manila laban sa mga motorista maliban na lamang kung ito ay otorisado ng Metropolitan Manila Development Authority.
Sa 42 pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, nag-isyu ito ng permanent injunction para ipag-utos sa mga LGU na iwasan ang pag-iisyu ng ordinance violation receipts at pagkumpiska ng mga lisensya ng mga motorista sa pamamagitan ng kanilang sariling mga traffic enforcer.
Kaugnay nito, idineklara na ng SC na null at void ang mga sections ng mga ordinansa ng Makati, Taguig, Parañaque, Pasay, Quezon City, San Juan, Navotas, Las Piñas, Pasig, Muntinlupa, Mandaluyong, Valenzuela, Caloocan, Manila, at Pateros.
Paliwanag ng Korte Suprema, nag-issue na ang MMDA ng joint circular na nagpapatupad ng single ticketing system sa Metro Manila.
Malinaw ang kautusan ng SC, kaya sana maipatupad ito at maipaliwanag nang maayos ng LGU sa kani-kanilang traffic enforcers.
Mahalaga rin na alam nila ang iba pang mga batas-trapiko nang naiiwasan ang gulo sa kalsada.
Hindi maitatanggi na may mga insidente na nagkakagirian ang motorista at traffic enforcers dahil mismong mga naninita ay hindi alam ang batas. Kaya dapat bago isabak sa lansangan, talagang handa physically, mentally at emotionally ang ating mga nangangalaga sa daloy ng trapiko.
Muli, bawal nang maniket ang mga LGU traffic enforcers, huwag nang ipilit at ‘wag subukang gumawa ng kalokohan para magamit ang angas sa panlalamang sa kapwa.
Sa mga motorista, dapat ding alam natin ang mga batas para may pagkakataon tayo na maidepensa ang ating karapatan sa maayos na paraan.


Comments