Traffic enforcers, dapat alerto, ‘di papatay-patay sa trabaho

@Editorial | May 13, 2024

Bagama't mainit pa rin ang panahon, nagkaroon pa rin ng pagkakataon para mairaos ang fitness training sa ilang ahensya ng gobyerno.
Kabilang na rito ang sa Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa ahensya, upang mapanatili ang kalusugan at mas mapahusay ang pagganap sa trabaho, sumalang sa fitness training ang kanilang mga traffic at law enforcement personnel.
Ito na ang ikalawang linggo na ginawa ang fitness training ng mga traffic enforcer tuwing Sabado na nagsimula noong May 4.
Layon ng ahensya na mapanatili ang pagiging maliksi at maagap ng kanilang mga tauhan upang masiguro ang kaayusan sa mga lansangan at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng motorista.
Mahalaga nga naman na masigurong malusog at nasa tamang kondisyon ang kanilang mga tauhan. Dapat sa lahat ng oras ay alerto ang mga tagapagpatupad ng batas. Hindi puwede ang papatay-patay para ‘di makalusot ang mga pasaway.
Ganito rin sana ang gawin sa iba pang ahensya ng gobyerno para maging aktibo ang paglaban sa anumang masamang banta sa paligid.
Simulan natin ang disiplina sa sarili. Hindi lamang ito para sa trabaho kundi para rin sa sarili at lalo na sa pamilya.



Comments