Traders ng bigas at asukal, paligsahan sa taas-presyo, gobyerno dedma?!!
- BULGAR
- Aug 24, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 24, 2023
PARANG INAMIN NG DA USEC NA INUNGGOY LANG NI P-BBM ANG MGA BOTANTE SA P20 PER KILONG BIGAS -- Sa pagdinig sa Kongreso patungkol sa sobrang pagmahal ng presyo ng bigas ay tinanong ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang mga opisyal ng Dept. of Agriculture (DA) kung posible pang mangyari ang ipinangako noong kampanya ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na maging P20 per kilo ng bigas, at ang naging tugon dito ni DA Usec. Mercedita Sombilla ay malabo raw mangyaring maging P20 per kilo ng bigas.
Dahil sa sinabing ‘yan ni DA Usec. Sombilla ay parang inamin na rin niya na pang-uunggoy lang sa mga botanteng Pinoy ang campaign promise ni P-BBM na magiging P20 per kilo ng bigas kapag siya ang naging presidente ng ‘Pinas, period!
◘◘◘
P-BBM NABUKING NA PALA-ABSENT SA MEETING NG DA -- Tinanong naman ni Northern Samar Rep. Paul Daza ang mga DA official na sa kanilang pagpupulong sa DA sa nakalipas na tatlo o anim na buwan ay kung ilang beses dumalo si P-BBM na umaaktong DA secretary, at ang tugon daw dito ni DA Senior Usec. Domingo Panganiban ay “none” o wala, na ang ibig sabihin ay hindi pala dumadalo sa mga pulong sa DA si President/DA Sec. Bongbong Marcos.
Aba teka, baka pagkakaalam ni P-BBM ay mura na ang presyo ng bigas kaya niya nasabi sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na bumababa na ang presyo ng bigas at hindi niya alam na ubod na ng mahal ang presyo nito, kasi nga lagi pala siyang absent sa mga pagpupulong ng mga DA official, boom!
◘◘◘
EX-P-DUTERTE AT P-BBM SISIHIN SA TAAS PRESYO NG BIGAS -- Hindi lang pala ang Rice Tariffication Law ni ex-P-Duterte ang dapat sisihin sa pagtaas ng presyo ng bigas, kundi pati si P-BBM.
Sa Rice Tariff Law kasi ni ex-P-Duterte ay pinahintulutan niyang walang limit na mag-angkat ng imported rice ang mga rice trader at silang mga kapitalista na ang bahalang magpresyo kapag ibinenta na ito sa Pilipinas, at sa parte naman ni P-BBM, lagi pala siyang absent sa mga pulong sa DA kaya hindi makapag-decide ang mga DA official kung dapat o hindi ibaba ang presyo ng bigas, period!
◘◘◘
MARCOS ADMIN ‘NGANGA’ LANG SA PALIGSAHAN NG RICE AT SUGAR TRADERS SA TAAS-PRESYO NG BIGAS AT ASUKAL -- Hindi lang presyo ng bigas ang nagmahal ngayon, kundi pati presyo ng asukal.
Ang malungkot na nangyari ngayon sa ‘Pinas ay nagkaroon ng gobyernong Marcos administration na “nganga” lang sa paligsahan ng pataasan ng presyo ng bigas at asukal ng mga rice at sugar traders na nagpapahirap sa sambayanang Pinoy, tsk!





Comments