Trabaho para sa mga OFW na naipit sa ban sa Kuwait
@Editorial | May 29, 2023
Nangangamba pa rin ang mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi natuloy ang pagbiyahe sa Kuwait matapos suspindehin ang entry at work visa ng mga Pinoy workers sa nasabing bansa.
Bagama't tinutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda, hangad pa rin nila na matuloy sa pag-a-abroad.
Ang iba sa kanila ay nag-resign sa pinapasukan sa pag-aakalang matutuloy ang trabaho nila sa Kuwait. Mayroon namang nangutang pa para panggastos sa aplikasyon.
Sa kabila ng problema, nauunawaan daw nila na hindi ito kasalanan ng gobyerno ng Pilipinas.
Mainam din na agad na nagtungo ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at DMW sa Kuwait para ipaliwanag ang kahalagahan ng "kanlungan" o shelters para sa mga tumatakas na OFWs mula sa malulupit na amo.
Nauna nang iniulat na isa umano sa inirereklamo ng pamahalaan ng Kuwait ang pagkakaroon ng shelter na pinapamahalaan ng embahada ng Pilipinas doon.
Sa ngayon, umaasa tayo na mareresolba ng Pilipinas at Kuwait ang usapin para matuloy ang pag-alis ng ating mga kababayan.
Sakali namang hindi talaga umubra, sana ngayon pa lang ay may inilalatag ng tulong ang gobyerno. Maaaring tulungan ang mga OFW na mag-apply na lang sa ibang bansa.
Lalo't hindi naman puwedeng paghintayin ang kumakalam na sikmura o ang mga bayarin.



Comments