Trabaho, mas kailangan ng mahihirap kesa ayuda
ni Ryan Sison - @Boses | March 27, 2022
Posibleng hanggang tatlong buwan lamang makayanan ng gobyerno ang pagbibigay ng dagdag na P500 ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Ito ang tiniyak ni acting Budget Secretary Tina Canada matapos sabihin ni Finance Secretary Carlo Dominguez na sa ngayon ay hanggang tatlong buwan lamang ang tiyak na makakapamigay ng tulong ang gobyerno.
Matatandaang unang sinabi ni Dominguez na posibleng magkaroon ng problema sa budget matapos itaas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa P500 ang unang plano na P200 na ibibigay sa mahihirap na pamilya kada buwan.
Ayon pa sa DBM, aabot sa P20 bilyon ang ilalaan ng gobyerno sa susunod na tatlong buwan para maibigay sa nasa 13 milyong benepisyaryo ang pinansiyal na tulong.
Wala umanong ibang mapagkukunan ng pondo ngayon ang gobyerno para sa programa.
Bagama’t nauunawaan nating hindi tatagal ang pondo para sa ayudang ito, ang tanong, ano pang puwede nating gawin para makapagbigay ng karagdagang tulong sa mahihirap nating kababayan?
Gaya ng palagi nating panawagan, panahon na para magbigay tayo ng pangmatagalan at makatotohanang solusyon dahil hindi naman puwedeng habambuhay na umasa ang mahihirap na pamilya sa ayuda. Kumbaga, kahit ano’ng gawin natin, ang ending pa rin niyan, kailangan nilang kumayod para sa mga pangangailangan.
Kaya bukod sa ayuda, sana ay may iba pang plano ang pamahalaan para sa ating mga kababayan.
Kung kaya nating magbigay ng trabaho, magandang paraan ito para kahit papaano ay may mapagkakitaan at hindi lamang aasa sa ayuda ang taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments