Trabaho at negosyo, tutukan sa gitna ng pandemya
- BULGAR

- Feb 8, 2021
- 1 min read
@Editorial | February 8, 2021
Talagang sinubok at patuloy na sinusubok ng COVID-19 ang katatagan ng lahat.
Walang piniling lahi, edad, kasarian at antas sa buhay, ‘ika nga, walang mahirap o mayaman ‘pag tinamaan ng virus.
Katwiran ng karamihan, napakapalad mo na kung ikaw ay buhay at walang karamdaman.
Samantala, upang manatiling malakas at naaalagaan ang pamilya sa gitna ng pandemya, siyempre kailangan ding makabawi pagdating sa mga pangangailangan at gastusin. Madalas nababanggit na, “Buhay ka nga sa virus, patay naman sa gutom”. Hindi maitatangging talagang pinadapa ng pandemya ang ekonomiya ng buong mundo at kasunod nito ang kabuhayan ng bawat mamamayan at pamilya.
Kaya nga sa ating bansa, talagang puspusan din ang pagbangon, kani-kanyang diskarte kung paano maitatawid ang bawat araw.
Sa kabila ng mga pagsubok at mga hirap, nananatiling buhay ang bayanihan sa mga Pinoy.
Kasabay nito, ang pagkakaroon natin ng matatag na gobyerno, bagama’t palagi pa ring makulay at puno ng kontrobersiya. Matatag, dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos, marami pa ring lingkod-bayan ang tapat sa kanilang tungkulin.
Sa ngayon, dibdiban umano ang paglikha ng trabaho, negosyo at kabuhayan para sa mga nawalan ng trabaho. Kamakailan nang lagdaan ang Joint Memorandum Circular para sa task force na naglalayong pagandahin ang kondisyon sa sektor ng paggawa. Kasama sa task force ang Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, Department of Public Works and Highways ata iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Sa pamamagitan nito ay talagang matututukan ang kalagayan ng mga empleyadong natambay at negosyong bumigay.
Hindi naman basta sumusuko ang mga Pinoy pero, kailangan din ng suporta ng gobyerno.



Comments