top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Nangutya at nanlait sa PWDs, ikulong!

Writer: BULGAR
BULGAR
4 days ago
1 min read

by Info @Editorial | October 16, 2026



Editoryal, Editorial


Sa panahon na ang kasikatan ay sinusukat sa dami ng views, likes at followers, tila may ilang podcaster at content creator na nakakalimot sa hangganan ng pagpapatawa at pang-aalipusta. Ang masaklap, maging ang kondisyon sa mental health at kapansanan ng isang tao ay nagiging paksa ng biruan. 


Hindi lahat ng viral ay nakakatawa, at hindi lahat ng may mikropono ay may karapatang manghamak. Ang dignidad ng tao ay hindi dapat gawing puhunan para kumita at sumikat.


Sa gitna ng mga kontrobersiya sa mundo ng podcasting, dapat nang wakasan ang kulturang ginagawang entertainment ang kahinaan at personal na pinagdaraanan ng kapwa. Hindi sapat ang palusot na joke lang o walang personalan. Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi kalayaan upang yurakan ang pagkatao ng iba.


Hindi rin dapat kalimutan na may batas laban sa ganitong pang-aabuso. Sa ilalim ng Republic Act No. 9442, may kaukulang multa at pagkakakulong para sa mapatutunayang lumabag sa mga probisyon laban sa pampublikong pangungutya at panlalait sa mga PWD dahil sa kanilang kapansanan.


Maaaring umabot sa P200,000 ang multa at anim na taong pagkakakulong sa mga susunod na paglabag. Bagama't kailangang patunayan ang anumang paglabag sa tamang proseso, malinaw na hindi sapat na depensa ang pagiging sikat, ang dami ng followers o ang paghingi ng tawad matapos mapuna.


Panahon nang panagutin ang mga lumalampas sa hangganan ng disenteng pagpapahayag. Hindi sukatan ng talento ang kakayahang mang-insulto, at hindi sukatan ng tagumpay ang dami ng taong natawa sa kapinsalaan ng iba. 


Ang kapansanan ay hindi punchline, ang mental health ay hindi katatawanan, at ang dignidad ng tao ay hindi kailanman dapat ipagpalit sa views at pera.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page