Todo-sorry sa pamilya… CARMINA, AMINADONG MAINITIN ANG ULO
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | December 28, 2025

Photo: File / IG _mina_villaroel
Bilib talaga si yours truly sa guwapong aktor na si Zoren Legaspi, sa asawa nitong aktres na si Carmina Villarroel, at sa dalawa nilang anak na sina Mavy at Cassy Legaspi.
Nagbahagi ang kambal sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kung paano sila dinidisiplina ng kanilang mga magulang.
Tanong ng mahusay na TV host na si Boy Abunda, “Napalo ba itong dalawa?”
Saad ni Carmina, “Hindi.”
Tanong ni Boy, “How did you raise two beautiful children?”
Saad ni Carmina, “Si Zoren ‘yan, eh. Pagdating sa disiplina, si Zoren talaga.”
Tanong ni Boy, “Isang tingin lang, paano?”
Hirit ni Carmina, “Kay Cassy at Mavy natin itanong. Paano?”
Saad ni Mavy, “I think it started sa tennis. It was like two birds with one stone, Tito Boy, kasi my dad was very passionate about acting but on the side he loved tennis. So growing up, he got us to do activities like swimming and tennis, and not forcefully. We loved doing those things. So in tennis, s’ya ‘yung coach namin. Du’n n’ya inilalabas ‘yung disiplina. ‘Yung discipline sa sports, nadadala namin sa bahay.”
Saad naman ni Cassy, “I think it’s discipline din, like training. Because after school, we have training, so du’n pa lang, may routine na. Then when we get home, maligo na, dinner, then homework.”
Kuwento pa ni Zoren, “So ‘yung chapter na ‘yun na dinidisiplina mo sila, dadating din pala ‘yung chapter na ayaw mo na silang disiplinahin. Gusto mo na lang ibigay lahat sa kanila dahil mabait sila, dahil lumaki silang mabait. Kagaya ngayon, parang sige, kahit anong gusto n’yo, ibibigay ko because wala akong problema sa inyo.”
Saad ni Carmina, “Alam mo, Tito Boy, laging sinasabi ni Zoren ‘yan. ‘Alam mo, Hon, we’re so lucky dahil ‘yung mga anak natin, mababait.’ Of course, they’re not perfect, pero mababait talaga.
“At least, hindi basagulero, walang bisyo, hindi sakit ng ulo. Kaya lagi kong sinasabi, kung ano ang gusto nila, ibigay na natin sa kanila kasi mababait silang mga bata.”
Tanong ni Boy kay Cassy, “Wala ka pang nai-invite to join Noche Buena?”
Saad ni Cassy, “Meron naman. There’s nothing wrong with inviting. Ang daming welcome sa bahay namin.”
Hirit ni Boy, “But did you invite one?”
Saad ni Cassy, “One?”
Dagdag ni Boy, “Meron na?”
Saad ni Cassy, “Yeah.”
Tanong ni Boy, “How would you say ‘Sorry’ and ‘Thank you’ to each other on Christmas Day?”
Saad ni Mavy, “I’m not a man of words talaga. So ‘pag nagpapasalamat ako or nagso-sorry, ‘yun lang ang sasabihin ko, pero mararamdaman na nila sa tingin pa lang at sa emotions.”
Saad ni Cassy, “I’m sorry for what you had to put up with this year. And thank you for never changing the way you love me despite everything that has happened in my life.”
Saad ni Carmina, “Sorry kung meron akong pagkukulang sa inyo, sorry kung minsan mainitin ang ulo ko, pero sinasabi ko naman kung bakit.
“Thank you dahil buo ang pamilya natin. Thank you kasi solid tayo. May mga dumating mang bagyo at pagsubok, pero buo pa rin tayo at nanatiling mabuti ang ating mga puso. Puwede kaming naging masama, meaning gumanti or mag-defend, but we chose to keep quiet because we know the truth. Nanatiling buo at punumpuno ng pagmamahal ang pamilya namin, at ‘yan ang ipinagmamalaki ko.”
Saad naman ni Zoren, “Sorry dahil may mga lakbay na hindi namin kayo masasamahan. Magkakaroon kayo ng mga battle scars sa puso n’yo na ‘di maiiwasan. Kung mababaw o malalim, ganu’n din ang tatatak sa puso namin ng nanay ninyo. Pero thankful kami dahil araw-araw, nakakauwi kayo nang maayos, nagkikita-kita tayo, nagkakasama-sama sa isang bubong, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, at higit sa lahat, hindi nawawala ang pag-ibig sa bahay.”
Well, super lucky ang magkapatid na Mavy at Cassy dahil nagkaroon sila ng magulang tulad nina Zoren at Carmina na mahusay pagdating sa disiplina. In fairness, lucky din ang mag-asawa dahil nga mababait ang kanilang mga anak.
MAGBABALIK-TANAW ang ABS-CBN News sa mga talaga namang pinag-usapan at kontrobersiyal na balita ng 2025 sa year-end special na pinamagatang Sa Likod ng Balita 2025.
Sa espesyal na dokumentaryo, ibinahagi ng Kapamilya journalists, kasama si Karen Davila, ang kanilang personal na karanasan sa pag-cover ng mahahalagang balita, mula sa imbestigasyon sa flood control projects at diumano’y katiwalian ng mga opisyal na sangkot dito.
Tatalakayin din ang malalaking pangyayari sa pulitika, kabilang ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte. Ipinapakita rito ang hati sa loob ng gobyerno matapos ibasura ng Korte Suprema ang impeachment filing at tanggihan ng International Criminal Court ang hiling ng dating pangulo para sa pansamantalang paglaya.
Babalikan din ng Sa Likod ng Balita 2025 ang mga kalamidad na sumubok sa tatag ng mga Pilipino, mula sa malalakas na bagyo hanggang sa mapaminsalang lindol sa Central Visayas at Davao Oriental.
Kasama rin ang mga bagong detalye sa matagal nang mga kasong umani ng pansin ng publiko, tulad ng mga nawawalang sabungero at ang pag-aresto kay dating Kongresista Arnolfo Teves matapos ang ilang taong pagtatago.
Muling susuriin ang 2025 National Elections kung saan milyun-milyong Pilipino, lalo na ang Gen Z voters, ang lumahok sa botohan. Tampok din ang pag-angat ng ilang hindi kilalang kandidato na nagwagi kahit hindi nanguna sa mga naunang survey.
Sa kabila ng mga hamon ng taon, ibibida rin ang mga tagumpay ng mga Pilipino sa international stage, kabilang ang pagkapanalo nina EJ Obiena at Alex Eala, pati ang tagumpay ng mga Pilipinong artista at beauty queens. Kasama rin ang mga sandali ng pagluluksa ng bansa, tulad ng pagpanaw ni Pope Francis at ang pagkakahalal ng bagong Santo Papa na si Pope Leo XIV.
Huwag palampasin ang Sa Likod ng Balita 2025 ngayong darating na Linggo, Disyembre 28, mula 9:15 PM hanggang 10:45 PM sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel at A2Z.
‘Yun lang, and I thank you.








Comments