top of page

Todo-pasalamat sa mga fans na ‘di siya iniwan… LIZA, UMAMIN KUNG BAKIT NATAHIMIK ANG CAREER NU’NG 2025

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | January 7, 2026



Liza Soberano

Photo: IG Liza Soberano



May paliwanag si Liza Soberano sa kanyang mga fans at supporters kung bakit medyo tahimik ang kanyang career nitong nagdaang taon.


Sa kanyang X (dating Twitter) account ay nag-post ng pasasalamat ang aktres sa lahat ng mga bumati sa kanyang kaarawan last January 4, kasabay ng kanyang paliwanag.


Aniya ay muli niyang binubuo ang sarili para sa kanyang pagbabalik.


“Thank you for all the heartfelt birthday messages. I know I’ve been quiet for a while—I’ve been taking time to rebuild myself so I can come back stronger, wiser, and with even more love to give,” saad ni Liza.


Kasunod nito ay nag-iwan siya ng mensahe sa lahat ng mga fans na hindi bumitiw sa kanya sa lahat ng pinagdaanang kabanata sa buhay.


“To those who’ve stood by me through every chapter, thank you. I love you all and can’t wait to reconnect,” ani Liza.


Matatandaang huling napanood ang aktres sa kanyang Hollywood debut na Lisa Frankenstein noong 2024. Her latest project is a voice role in the animated film Forgotten Island, set for release this 2026.



PASABOG agad ang pagpasok ng Bagong Taon para sa Roja matapos ilabas ang mid-season trailer tampok ang umiigting na bakbakan nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri sa action series, na napapanood na rin sa Kapamilya Channel sa ALLTV2. 


Nakamit din nito ang bagong all-time high online record matapos makakuha ng 541,446 peak concurrent viewers o sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live noong Lunes, Enero 5.


Kaliwa’t kanan na rebelasyon ang dapat pang abangan sa serye, na kasalukuyang nasa listahan din ng Top 10 TV shows sa Pilipinas sa Netflix at iWant, dahil desidido nang magsanib-puwersa sina Liam (Donny) at Olsen (Kyle), kasama ang kaibigan na si Luna (Maymay Entrata), para tulungan ang mga pulis na pabagsakin ang mga hostage-takers ng La Playa Roja Resort upang makatakas nang buhay ang mga natitirang biktima.


Kasingtindi rin ng bakbakan ang mga plot twists dahil masisiwalat ang malaking iskandalo nang pagbintangan ni Greta (Lorna Tolentino) ang matalik na kaibigan na si Wendy (Janice De Belen) na mang-aagaw sa kanyang asawang si Magnus (Raymond Bagatsing). 


Sa pag-usbong nito, lilitaw din ang mga hinala hinggil sa tunay na pagkakakilanlan ng ama ni Olsen (anak ni Wendy).


Pero hindi lang sa asawa magkakaroon ng problema si Greta dahil lalakas ang paghihinala ng anak nitong si Liam sa tunay na motibo ng kanyang ina nang mahuli ni Liam si Greta na palihim na nakikipag-usap sa hindi pa kilalang indibidwal sa telepono.


Sa kabilang banda, magkakagulo rin sa kampo ng mga hostage-taker dahil sa lider na si Emil (Joel Torre). Madadala kasi si Emil sa kanyang kahibangan para patayin si Magnus bilang ganti sa panlolokong ginawa nito sa kanyang anak noon, at magdadalawang-isip naman ang sariling mga tauhan ni Emil na nais nang sumuko sa mga awtoridad.


Sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga biktima, makakahanap pa kaya sina Liam at Olsen ng paraan para makaligtas? 


Paano nila haharapin ang mga paparating na rebelasyon na gugulat sa kanila?

Napapanood ang Roja gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:45 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2 at Kapamilya Channel sa cable, pati sa A2Z at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB).


Mapapanood din ang pinakabagong mga episodes ng Roja 72 oras na mas maaga sa Netflix at 48 oras na mas maaga sa iWant, gayundin sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page