Todo-gaya sa sosyal na buhay ng aktres… NEPO BABIES, DUMAMI DAHIL KAY HEART
- BULGAR

- Sep 8, 2025
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 8, 2025

Photo: Heart Evangelista - IG
Mainit ang mata at dugo ngayon ng madlang pipol sa mga public figures na panay ang flex ng kani-kanilang lavish lifestyle sa social media lalo nga't nabungkal ang issue sa ghost flood control projects ng ilang contractors na sinasabing may koneksiyon sa ilang nakaupong mambabatas natin.
At dahil bago pa nauso ang mga “nepo babies” ay matagal nang idinidispley ni Heart ang kanyang lavish lifestyle, isa rin tuloy siya sa mga pinag-iinitan at sinisilip ngayon ng mga netizens lalo na nga't nadawit pa ang name ng kanyang mister na si Sen. Chiz Escudero sa ilang contractors na kasama sa mga flood control projects na inilantad ni PBBM.
Wala pang reaksiyon si Heart tungkol sa pagkuwestiyon sa kanyang yaman, pero ang veteran broadcast journalist na si Ramon Tulfo ay nag-post sa Facebook page nito para ipatanggol si Heart.
Aniya, kilala niya ang pamilya ng aktres na talagang bilyonaryo na kahit nu'ng wala pa ito sa showbiz dahil sila nga ang may-ari ng chain of resto na Barrio Fiesta.
May isang netizen naman ang nag-agree sa sinabi ni Mon Tulfo at dagdag-info pa nga nito, kung mayaman ang mga Ongpauco, mas mayaman ang mother side ni Heart dahil great-grandfather ng aktres si Don Juan Del Gallego, isang Spanish traveller and tradesman na nagtayo ng Del Gallego town at gumawa ng first lumber mill sa Sitio Pinagdapian.
Bukod dito, nagtayo rin daw ng chapel at school ang lolo sa tuhod ni Heart at nagbigay ng kabuhayan sa mga taga-Del Gallego.
Labing-anim daw ang naging anak ni Don Gallego at ng pinakasalan nitong si Potenciana Ubante. Isa sa 16 siblings, si Conchita Del Gallego na pinakasalan ng isang Jose Payawal, ang parents ng mother ni Heart na si Mrs. Maria Cecilia Del Gallego Payawal, na ikinasal naman kay Mr. Reynaldo Ongpauco.
So, kahit daw hindi talaga magtrabaho si Heart ay mabubuhay ito nang marangya.
Pero dahil hardworking naman din si Heart na nagsimulang batang artista at nagkaroon din ng ilang teleserye at movies plus endorsements na umaabot na nga raw sa 50, nakapag-ipon na ito nang malaki na nagamit din niyang puhunan sa kanyang mga itinayong negosyo at pagbili ng real properties.
Sa ngayon, malakas daw ang negosyong sun serum ni Heart na Luxelle Centella na madalas ay sold-out sa physical stores nito.
Heard na partner daw dito ni Heart ang kanyang glam team, na sana naman ay hindi mauwi sa hindi maganda tulad ng kanyang past experience, ‘no?
Anyway, dahil nga sa global appeal ni Heart na nakilala sa fashion world kaya naman hindi kataka-taka na siya talaga ang ginagaya ng mga “nepo babies” na parami nang parami at panay ang flex ng kanilang mga branded na suot na damit, shoes, bags, alahas at kung anu-ano pang karangyaan.
‘Yun nga lang, tulad ng una nang nasabi ni Heart, ang kaibahan lang, ang perang ginagamit niya ay pinagpapaguran daw niya at hindi galing sa pera ng kanyang mister na Senate President.
Ang siste lang, kahit ipagdiinan ito ni Heart, ayaw siyang tantanan ng mga bashers niya at ang isa pa ngang iniisyu naman sa kanya ngayon ay kung bakit wala raw siya sa listahan ng mga top taxpayers ng bansa tulad noon ni Kris Aquino.
May isa pa ngang nag-comment na buti pa ang singer na si Darren Espanto, pasok sa mga celebrity taxpayers, pero bakit si Heart, wala?
Well, tingnan natin kung may iba ring magtatanggol kay Heart sa isyung ‘yan.
Baka may opinyon uli si Mr. Ramon Tulfo, hindi kaya?





Comments