TNVS driver, niratrat ng pasahero
- BULGAR

- Jun 9
- 1 min read
ni Maeng Santos @News | June 9, 2026

Photo: Circulated
Isang driver ng transport network vehicle service (TNVS) ang nasawi matapos pagbabarilin ng kanyang pasahero sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 37-anyos na biktimang residente ng Brgy. 172, Caloocan City.
Nahaharap sa kasong murder ang 43-anyos na suspek matapos maaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ni Caloocan City Police Chief P/Col. Joey Goforth sa kanyang tirahan sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City sa Bulacan.
Sa ulat ng tanggapan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente ng pamamaril sa biktima sa Brgy. 176, Bagong Silang.
Nauna rito, Linggo ng alas-3:15 ng madaling-araw, dinala ng mga tauhan ng Brgy. 188 ang suspek sa Tala Police Sub-Station 14 dahil nawawala umano ang lalaki at hindi alam kung papaano makakauwi.
Para matulungan, nagpa-book ng Grab ride ang pulisya na tinugunan ng biktima subalit, pagsapit sa nasabing lugar ay pinagbabaril ng suspek ang biktima sa hindi nabatid na dahilan.
Wala namang ibinigay na pahayag ang suspek sa pulisya kung ano ang motibo niya sa ginawang pamamaslang sa biktima.





Comments