Tiwala ng publiko sa generic na gamot, palakasin
ni Ryan Sison - @Boses | October 4, 2022
Ligtas at epektibo ang mga generic na gamot.
Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) hinggil sa maling paniniwala sa mga hindi kilalang brand o generic na mga gamot.
Binigyang-diin ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na parehong ligtas at epektibo ang mga generic medicines, tulad ng kanilang branded counterparts.
Ngunit upang matiyak na may mataas na kalidad ang generic na gamot, ipinapayo ng opisyal na bumili lamang sa mga lisensyadong botika dahil hindi umano ito maaaring magbenta ng mga counterfeit at pekeng gamot ang mga ito.
Naunang sinabi ni DOH Pharmaceutical Division Director Dr. Anna Melissa Guerrero na sa katunayan, gumagamit din ng generic na gamot ang ahensya sa kanilang mga programa at maganda naman ang resulta ng mga ito.
Samantala, naniniwala ang ahensya na kailangang maunawaan ng publiko na ang branded at unbranded generics ay may parehong safety at efficacy hangga’t may clearance at authorization ito mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Sa mahal ng bilihin ngayon, marahil, pati gamot ay tinitipid na ng ilan nating kababayan.
Ang siste, ipinagpapaliban ang pag-inom ng gamot dahil kapos ang budget, pero kung tutuusin, may iba pang opsyon at ‘yan ay ang mga generic na gamot.
Tulad ng sinabi ng DOH, kailangang maunawaan ng publiko na ligtas at epektibo ang mga generic na gamot. Ang importante, sa lisensyadong botika lamang bibili upang matiyak na hindi ito peke o counterfeit.
Bukod sa pangungumbinsi sa publiko na magtiwala sa ibang brand ng gamot, makabubuti siguro kung gagawa tayo ng mga hakbang upang makalimutan na ang mga maling paniniwala sa mga generic na gamot.
Patuloy nating ipaunawa na mas mahalaga ang kalidad at kaligtasan ng mga gamot kaysa sa brand. Kumbaga, kailangan lang natin gabayan ang taumbayan para na rin sa kanilang kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments