top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tiwala ng mga Pinoy sa Comelec, naglalaho na

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 5, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 5, 2022



Nagbigay tayo ng dalawang tanong sa mga nagsimba noong umaga ng Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Unang tanong: “Ilan sa inyo ang wala nang tiwala sa Comelec?” Sa halos 200 nagsimba, halos lahat ay nagtaas ng kamay — marami ang wala nang tiwala sa Comelec.


Pangalawang tanong: “Ilan sa inyo ang merong pang tiwala sa Comelec?” Merong dalawa na nagtaas ng kamay. Napakalinaw ng resulta ng munting survey na isinagawa natin tungkol sa Comelec.


Mula sa pangdarayang naganap noong Snap Elections taong 1986 hanggang sa 14-oras na brownout noong Presidential Elections 2016, napakarami pang kahina-hinalang anomalya ang naganap na nag-iiwan ng mas maraming tanong kaysa sagot tungkol sa Comelec.


Malinaw ang pangamba ng marami na hindi lubos na mapagkakatiwalaan ang Comelec At sa pagretiro ng tatlong dating Commissioner na sina: Chair Sheriff Abas; Commissioner Rowena Guanzon at Antonio Kho, Jr., malinaw ang panganib na ang ilalagay ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit ng tatlong nagretirong Commissioners ay ang mlalapit niyang kaibigan.


Paano kung ang buong Comelec o ang lahat ng Commissioners ay kaibigan o supporters ni Pangulong Duterte? Alam na natin ang sagot, ‘wag na tayo mag-aksaya pa ng panahon.


Ito ang dahilan kung bakit nagtungo tayo sa harapan ng Comelec para mag-rally na ang mensahe ay “Huwag ninyong sunugin ang aming boto!”


Ganap na alas-12 ng tanghali noong Miyerkules, ika-2 ng Marso 2022 nang dumating sa harapan ng Comelec ang humigit-kumulang 20 katao mula sa Grupong Paghihilom at Kalinga ni Padre Flavie Villanueva SVD. Dala-dala nila ang malaking tarpaulin na merong mensaheng “Huwag Ninyong Sunugin ang Aming Boto!” Makikita sa tarpaulin ang imahe ng official balot na katabi ng abo na galing sa kasusunog pa lamang na mga palaspas mula noong nakaraang Linggo ng Palaspas noong nakaraang taon. Kasabay sa Comelec ang pagpapahid ng abo sa mga noo at panalanging, “Mula sa abo, sa abo rin magtatapos ang buhay, magsisi sa iyong kasalanan at maniwala sa ebanghelyo.”


Nagsimula ang lahat sa panalangin at pagninilay tungkol sa Miyerkules ng Abo.


Ipinaliwanag na rin ang kaugnayan ng rally sa Comelec sa pagpapahid ng abo. Tulad ng sinunog na palaspas, may katapusan at hangganan ang lahat, tulad ng kapangyarihan, kayamanan, lakas, kalusugan, pangalan, posisyon at reputasyon. Ngunit sa kabila ng lahat, kailangang igalang ang kabanalan at dangal ng bawat boto. Ito ang dahilan kung bakit merong Comelec na siyang inatasan ng taumbayan na bantayan ang eleksiyon at protektahan ang boto ng bawat mamamayan.


Huwag sanang gawin ng Comelec na kabaliktarin ng kanilang mandato. Huwag silang magtaksil at maging bayaran. Ganun kahalaga ang papel ng Comelec sa darating na pambansang halalan sa ika-9 ng Mayo 2022.


Salamat at dumating ang ilang kinatawan ng media mula sa telebisyon, radyo at diyaryo.


At naparating sa madla ang mahalagang mensahe at pahayag ng marami na nagmamahal sa bansa at nagmamalasakit sa kinabukasan ng lahat lalung-lalo na ng kabataan.


At ang kagulat-gulat ay ang walang tigil na paghaba ng pila ng mga nais magpapahid ng banal na abo sa noo. Hindi maputul-putol ang linya ng mga taong naghahangad na tumanggap ng banal na abo. Buhay na buhay ang pananampalataya ng marami. Sa simpleng ritwal ng pagpapahid ng nabendisyunang abo sa noo, ipinakitang buhay pa rin ang simple, ngunit malalim na pananalig ng marami kay HesuKristo na sa loob ng susunod na 40-araw ay aanyayahan tayong samahan Siya sa pagsasabuhay ng kanyang pasyon, kamatayan at muling pagkabuhay o ang kanyang misteryo paskuwal.


Kakaiba at lubhang mahalaga ang 40-araw na magaganap sa mga linggo bago magpambansang halalan.


At kung puwede lang na pumunta araw-araw sa Comelec at ulit-ulitin sa kanila na “Huwag sunugin ang aming boto” ay gagawin natin upang manatiling malinis at marangal ang halalan para sa mga susunod na mamumuno sa ating sugatan at pinagtaksilan at nagmamaka-awang Inang Bayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page