Tiwala ng madlang pipol sa online shopping, ‘wag sayangin
ni Ryan Sison - @Boses | September 30, 2021
Dahil lumakas ang tiwala ng publiko sa online shopping, parami rin nang parami ang mga seller na nagdaragdag ng mga produktong kanilang ibinebenta, partikular na ang mga gadget.
Pero, paano kung ang produktong ibinebenta ay ibang-iba sa natatanggap ng kanilang mga customer?
Kaugnay nito, buking ang isang online seller ng gadgets matapos salakayin ng mga awtoridad ang opisina nito dahil sa reklamong bato ang laman ng ipinadadala nitong parcel sa mga kustomer.
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang concerned citizen na may modus umano ang naturang opisina at wala itong business permit.
Sa operasyon, naabutan ng mga awtoridad ang kahun-kahong items na nakabalot sa packaging ng kilalang parcel logistics at nang buksan ito, nadiskubre nilang mga tipak ng bato ang laman ng package, habang ang iba naman ay cellphone.
Ayon sa pulis, cellphones, gadgets at iba pang electric items ang ibinebenta ng kumpanya, pero ibang brand o kaya ay bato ang natatanggap ng buyer.
Bukod pa rito, marami umanong reklamo laban sa kumpanya dahil sa maling item na natatanggap ng buyer, kung saan imbes na branded smart phone, ordinaryong cellphone ang natatanggap ng mga ito.
Bagama’t tumangging magbigay ng pahayag ang mga tauhan at may-ari ng kumpanya, ipinaliwanag umano nito na ang mga naka-pack na mga bato ay ginagamit lang nila para tumaas ang ratings ng seller.
Sa totoo lang, akala natin ay wala nang ganitong isyu dahil sa pag-aksiyon ng mga kinauukulan nang mga panahong mataas ang bilang ng reklamo sa mga ganitong problema pero hindi pala.
Sa halip na maubos, heto at tuloy pang nanloloko. Ang masaklap, todo-palusot pa, pero kung may reklamo ang mga buyer na ibang klase ng cellphone ang dumarating sa kanila, malinaw na may panlolokong nagaganap.
Pero siyempre, pakiusap din natin sa mga courier, bago tanggapin ang parcel, tiyaking tama ang nilalaman nito bago i-deliver. Isa pa, siguraduhing lehitimo ang seller at kumpleto sa permit bago tanggapin ang trabaho dahil ‘pag nagka-aberya, damay din kayo.
Kaya panawagan sa mga awtoridad, ‘wag hayaang makalusot ang mga ito. Sampolan kung kinakailangan dahil maituturing na panlalamang ang ginagawa ng mga ito.
‘Wag nating hayaan na masayang ang tiwala ng taumbayan sa iba pang mga seller kaya plis lang, galaw-galaw tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments