Titser, nam-‘bully’ umano ng Grade 5 student, nahaharap sa admin proceedings – DepEd
ni Lolet Abania | August 24, 2022

Nahaharap sa administrative proceedings ang isang guro na umano’y nam-bully ng isang Grade 5 student na naganap sa unang araw ng mga klase sa Camarines Norte, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules. Sa isang mensahe sa mga reporters, iginiit ni DepEd spokesperson Michael Poa na hindi kukunsintihin ng ahensiya ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata. Ito ang kanilang tugon sa isang viral social media post hinggil sa isang guro na umano’y nagsabi sa isang 10-anyos na estudyante ng ilang derogatory words o mapanlait na mga salita sa oras ng kanilang klase. Ayon kay Poa, nakipagpulong na ang mga opisyal ng school division office sa mga magulang ng biktima nitong Martes, Agosto 23. “During the meeting, the SDS emphasized that DepEd has a zero-tolerance policy against any form of abuse, and explained the courses of action to be taken against the subject teacher,” pahayag ni Poa.
“The teacher will be subjected to administrative proceedings in accordance with our rules. The Department of Education takes these incidents very seriously,” dagdag niya.
Base sa Facebook post ni Jeannie Vargas, auntie ng biktima, noong Lunes, umuwi ang estudyanteng pamangkin sa kanilang bahay mula sa paaralan na umiiyak at naisulat nito sa isang piraso ng papel kung ano ang mga sinabi umano ng naturang guro.
Nakasulat sa papel ang mga salitang “bobo,” “hayop,” at “bruha ka.” Ayon kay Vargas, na-traumatize ang bata dahil sa insidente habang ayaw nang pumasok nito sa paaralan dahil sa takot sa naturang guro. “Pa’no mong nasasabi mga gantong bagay sa isang 10-year-old sa pinakaunang araw ng pasukan nila? Kung hindi po masaya sa pagiging guro sa mga bata, hanap na lang po ng ibang career. ‘Wag n’yong idamay mga estudyante na sumusubok pa lang lumaban sa buhay,” pahayag ni Vargas sa kanyang post. “Hindi ako ‘yung naka-experience pero ramdam ko ‘yung trauma ng pamangkin ko ngayon. Hindi man pisikal, pero pinakamasakit ‘yung maririnig mo ‘yung mga ganitong salita sa tao na dapat nga nagtuturo sa’yo ng tamang asal sa labas. ‘Yung ine-expect mo na bilang magulang, paglabas ng bahay, ‘yung teacher ‘yung katuwang mo sana humubog ng bata sa labas, tapos ito ‘yung maririnig nila?” diin pa ni Vargas. Sa bahagi naman ng DepEd, isang psychological first aid ang isinagawa na sa estudyante ng trained personnel mula sa school health section. Sinabi rin ni Poa na ang psychosocial status ng estudyante ay kanilang susubaybayan. “Psychological first aid was immediately given to the learner, by trained personnel from the school health section.
Psychosocial status of the learner will be monitored,” aniya. Gayundin, sinabi ni Poa na inatasan na ang school head na magsumite ng isang incident report at isang Child Protection Policy Intake Sheet sa regional director sa loob ng 72 oras magmula nang mangyari ang insidente. “The school head was directed to submit an incident report... to the regional director within 72 hours from the occurrence of the incident,” saad ni Poa.





Comments