Tito Sen kahit bitbitin ng 2 presidentiable, malabo pa ring manalo
- BULGAR
- Apr 12, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 12, 2022
MAY BISA KAYA ANG ENDORSEMENT NG MAG-ASAWANG RICHARD AT LUCY SA KANDIDATURA NG BBM-SARA TANDEM? – Pormal nang inendorso ng mag-asawang Ormoc City Mayor Richard Gomez at Rep. Lucy Torres-Gomez ang kandidatura nina presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos at vice presidential candidate, Mayor Sara Duterte.
Ang tanong: May bisa naman kaya ang endorsement ng mag-asawang Richard at Lucy sa kandidatura ng BBM-Sara tandem?
Noon kasing 2016 vice presidential race ay inendorso rin ng mag-asawa ang kandidatura ni Bongbong, kaya lang pagsapit ng mismong araw ng halalan at bilangan ng boto, tinalo ni Vice Pres. Leni Robredo si Marcos sa Ormoc, boom!
◘◘◘
2 BUWAN NA LANG SA MALACAÑANG SI P-DUTERTE PERO HANGGANG NGAYON HINDI NIYA NAGAWANG IPAGLABAN ANG KARAPATAN NG 'PINAS SA WPS – Sa kanilang pag-uusap ay sumang-ayon si P-Duterte sa sinabi ni Chinese Pres. Xi Jinping na pairalin ang kapayapaan sa West Philippine Sea (WPS) kahit na agrabiyado rito ang Pilipinas dahil nga sinakop ng China ang mga karagatan at isla na nasa teritoryo ng ating bansa.
'Yan ang nakakalungkot na katotohanan, na sa nalalabing halos dalawang buwan ni P-Duterte sa Malacañang ay hindi niya naipakita sa mga Pilipino at sa buong mundo na ipinaglaban niya ang karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryo sa WPS na sinakop ng China, tsk!
◘◘◘
'SUWERTE' SI TITO SEN KASI 2 PRESIDENTIAL CANDIDATE MANGANGAMPANYA SA KANYA – Dahil tila desidido na si vice presidential candidate, Buhay Rep. Lito Atienza na umatras sa VP race, ay pumayag na si presidential candidate, Sen. Ping Lacson na maging common candidate nila ni presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao si VP candidate Sen. Tito Sotto.
Kung ganu'n, dalawang presidential candidate na pala ang magbibitbit sa kandidatura ni Tito Sen sa pagka-VP.
Ang problem nga lang sa isyung ito ay baka hindi pa rin palarin maging VP si Tito Sen, kasi parehong mahinang kandidato sa pagka-presidente ang mangangampanya sa kanya para sa pagka-bise presidente, boom!
◘◘◘
DAPAT TURUAN NI MARIEL ANG MISTER NIYA NA MAGLATAG NG MGA PLATAPORMANG GAGAWIN SA SENADO – Nasasaktan daw si TV host Mariel Padilla kapag sinasabihan ang kanyang mister na si Robin Padilla na walang "K" maging senador.
Kung ayaw niyang nasasabihan na walang "K" ang kanyang mister na maging senador, dapat ay turuan ni Mariel si Robin na maglatag ng malinaw na plataporma ng mga batas na gagawin nito sa Senado kapag naging senador na, kasi sa totoo lang naman, kapag nasa entablado na, ang tanging ginagawa ng aktor ay kantahan ng mga favorite song niya ang kanilang mga supporters, period!




Comments